top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Velasco, gamit na gamit ang anak madikit lang kay Mayor Sara dahil tagilid nang pumalit kay Cayetano

  • Ka Ambo
  • Oct 23, 2019
  • 2 min read

Hindi nawawala sa kultura ng Pinoy ang ‘padrino system’.

Kapag hindi makadalo ang ‘ninang’ sa binyag, ililipat ang venue ng binyagan para lang matiyak na dadalo ito!

◘◘◘

‘YAN ang iniintrigang diskarte ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco nang muli niyang pabinyagan ang bunsong anak sa Davao City.

Ito ay upang matiyak na dadalo ang ‘ninang’ na si Mayor Sara Duterte.

Ang galing-galing!

◘◘◘

UNANG nagpabinyag si Rep. Velasco nang bonggang-bongga sa 5-star hotel sa Makati Shangri-La noong nakaraang buwan, pero inisnab lang ito ni Mayor Sara.

Pero, nakadalo naman ang ama nitong si P-Digong!

◘◘◘

SIYEMPRE, iba pa rin kung ang mismong ‘ninang’ ang dadalo.

Para mapalapit nang todo, itinakdang muli ang binyag sa Davao City noong Oktubre 19 upang ma-”sureball” na dadalo si “Ninang Sara”!

◘◘◘

MAAARING kinabahan si Cong. Velasco sa napagkasunduang “term-sharing” sa Speakership sa Kamara kahati si Speaker Alan Peter Cayetano.

May ulat na nagkatampuhan sina Cong. Velasco at Mayor Sara nang pumayag ang kongresista sa term-sharing kung saan ang naupo ay si Speaker Cayetano!

◘◘◘

KONTRA si Mayor Sara sa naturang term sharing na si P-Digong ang mismong nagmungkahi at sinuportahan naman ng mayorya ng mga kongresista.

Kunsabagay, maaaring gusto lang ipakita ni Cong. Velasco na talagang sanggang-dikit siya sa pamilya Duterte at nais lamang niyang i-"remind” ang kasunduan na tila hindi na masusunod!

◘◘◘

NAGPA-PANIC kaya si Cong. Velasco matapos imarka ni Speaker Cayetano ang epektibong liderato sa mabilis na pagpapatibay ng batas, partikular sa 2020 National Budget?

Nagpakitang-gilas si Speaker Cayetano sa loob ng unang 2 buwan kung saan naitala rin niya ang 62 percent trust rating at 64 approval rating sa pinakahuling survey ng Pulse Asia!

◘◘◘

MAS mataas pa ang ratings ni Speaker Cayetano kesa kay VP Leni Robredo.

Dahil d’yan, bumango ang Kamara sa mga mata ng publiko na ikinatuwa ng mayorya ng mga kongresista!

◘◘◘

BILIB na bilib sina Majority Leader Martin Romualdez at Deputy Speaker LRay Villafuerte sa kanilang Speaker.

Tila nalimutan nang lahat ang term-sharing.

He-he-he!

◘◘◘

NOONG nakaraang linggo, nilinaw ng Malacañang na wala silang pakialam sa term- sharing sa Kamara.

Binigyan-diin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na mungkahi lang ang ginawa ni P-Duterte at malaya ang mayorya ng kongresista kung itutuloy ang kasunduan o hindi!

◘◘◘

HINDI dapat idaan ni Cong. Velasco ang pagiging lider ng Kamara sa ‘padrino system’ o simpleng pagsisipsip sa Pamilya Duterte.

Dapat ipakita ni Cong. Velasco na siya ay higit na kuwalipikado kesa kay Speaker Cayetano sa aktuwal na performance at kakayahang maging lider!

◘◘◘

HINDI dapat aksayahin ni Cong. Velasco ang kanyang salapi sa maluluhong okasyon para lang makausap nang sarilinan o mapalapit sa kanyang padrino.

Hindi paslit ang mayorya ng mga kongresista na tila maiimpluwensiyahan sa kumpas ng kanilang titser!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page