Sining at kultura, malaking tulong sa positibong kaisipan ng kabataan
- Kuya Win Gatchalian
- Oct 22, 2019
- 2 min read

Nabubuhay tayo sa mundong may liwanag, kabuluhan at halaga. At bilang mga Pinoy na kilalang malakas at matibay ang loob ay mas pinipili natin ang ganda ng buhay sa kabila ng anumang tensiyon o pagsubok.
Hindi man sang-ayon ang lahat, pero ang sining at kultura ay isa sa mga paraan upang maibsan ang anumang pinagdaraanan ng indibidwal.
Ayon sa research ng Houston Education Research Consortium ngayong taon, ang edukasyon sa sining ay may pambihirang epekto sa pang-akademiko, sosyal at emosyunal na aspeto ng buhay ng mga mag-aaral ng K to 12.
Ang naging resulta sa mga estudyante ng Rice University sa Amerika ng nasabing pag-aaral ay ang pagpapakita ng disiplina sa sarili at maging ang pagiging matulungin. Higit sa lahat, nais nilang damayan ang kapwa na may nararamdamang problema.
Nagpapahayag sila ng damdaming nakaiintindi at nakikisimpatiya sa malungkot na kalagayan ng iba sa pamamagitan ng mga karanasan sa sining — musika, sayaw, pagpipinta, pagbuburda, pagbuo ng iskultura at marami pang ibang uri ng sining.
Malaking benepisyo ang nagagawa nito sa paghubog sa pisikal, mental, emosyunal at sosyal na damdamin ng kabataan dahil sa pamamagitan ng Social-Emotional Learning (SEL), nababawasan ang nararanasan nilang kondisyon tulad ng pagkalungkot, hindi makapag-isip nang maayos, walang konsentrasyon at hindi makapagdesisyon.
Isa sa mga ibinahagi ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones tungkol sa preserbasyon ng ating sining at kultura ay ang kahalagahan at kaugnayan nito sa mga indibidwal na may kondisyon sa kanilang mental na kalusugan.
Dito pumapasok ang ganda ng pagtangkilik ng sining na mistulang binabalewala na ng ilan. Tulad ng sinabi ni Sec. Briones, hindi lamang sa kasuotan o talento nasusukat ang sining at kultura, sa halip, ito ay nanggagaling sa laman ng ating puso. Sa pagkakataon ding ito natin malalaman kung hanggang saan ba natin kayang mapahalagahan ang sariling atin.
Marami nang estilo ang ginagawa ngayon ng mga mag-aaral upang sulitin ang edukasyon at tangkilikin ang sining kung saan maaari silang maging malikhain, masaya at magkaroon ng hindi malilimutang karanasan. Ilan sa mga ito ay ang paglikha ng mobile o computer games, robot at mga kanta upang matandaan ang paksang itinuturo sa klasrum.
Bata man o matanda, napakarami sa ating bansa ang taas-noong ipinagmamalaki ang sariling sining at kultura sa kani-kanyang pamamaraan. Ngunit, hindi dapat tumigil dito. Kailangan pa natin maipasa ang impluwensiya sa susunod na henerasyon upang magpatuloy pa ang tinatawag nating Filipino pride.
Kaya naman, pinapayuhan natin ang mga paaralan na palaganapin pa ang pagtuturo ng sining. Para sa mga mag-aaral, ating tandaan na ang sukatan ng matatag na loob ay hindi naipakikita sa pisikal na kalakasan kundi ang mamamayan na mapayapang lumalaban at matagumpay na nananalo sa anumang hirap na dumating sa daan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments