Shotgun ni Ang, handa na sa asian shooting

Mainit na ang mga kamay at gatilyo ng Philippine National Shooting team upang simulan nang asintahin ang kanilang mga targets sa Asian Shooting Championships sa Nob. 2-11 sa Doha, Qatar at pakay din nilang makakuha ng slots sa susunod na Olympic Games.
Sa taon na ito ng kompetisyon, idineklara ang Asian Championships bilang huling Olympic Qualifying for Asia ng International Olympic Committee (IOC) para sa 2020 Tokyo Olympic Games.
Ang top 3 finishers sa bawat shotgun, rifle at pistol events ng torneo ay aangkin ng quota places o outright qualification sa 2020 Tokyo Olympiad.
Maaalalang si Shotgun shooter Hagen Topacio noong nakaraang dalawang taon ay nagwagi ng Men’s Individual Trap silver medal sa Asian Shooting Championships sa Kuwait. Ang 2016 Asian Championships ay isa rin Olympic qualifying event para sa Rio Olympiad pero tinanggal ito ng OIC matapos na tumanggi ang organizers na pumasok ang Israeli technical official sa Kuwait.
Target ni Topacio na magka-silver medal uli para sa slot ng Tokyo summer games. Ang iba pang miyembro ng men’s trap team ay sina Eric Ang, Carlos Carag at Jethro Dionisio. Inaasahan din ang tikas nina Jeson Valdez at Amparo Acuna sa podium finish sa mixed rifle event na kauna-unahang gagawin sa Tokyo Games. Ang iba pang shooters na tatarget sa Asian Championships ay sina Dennis Basila at Sean Ocampo sa rifle, Michael Angelo Fernandez, Marcelo Gonzales, Shanin Gonzalez at Juliet Arellano sa pistol events.
Ang Philippine shooting team ay pakay din ang golds sa shotgun trap event, Mixed Rifle event, Benchrest light Varmint, Heavy Varmint, Metallic silhouette pistol at rifle events.
Umaasa si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez sa tagumpay ng shooter at aniya kailangan ng bansa ng marami pang qualifiers para sa Tokyo. “We now have two Olympians in Tokyo, but we need more. That is why the PSC is supportive of all these exposures and competitions so that our athletes get big chances at making it to the ultimate competition of their careers—the Olympics,” saad ni Ramirez. Sina gymnast Carlos Yulo at pole vaulter EJ Obiena ang huling nakakuha ng slots sa Tokyo Games.





Comments