P100 milyon pondo para sa mga sumukong rebelde

Lumagda sa isang memorandum of agreement ang Department of Labor and Employment at Office of the Presidential Adviser on the Peace Process para sa P100 milyong pondo na gagamitin pang-ayuda sa mga rebel returnee mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kapwa tiniyak nina Labor Secretary Silvestre Bello III at OPAPP Secretary Carlito Galvez na makatutulong ang pondo para sa libu-libong MILF rebel returnees at kanilang pamilya.
Ipinaliwanag ni Bello na ipagkakaloob ang tulong sa ilalim ng integrated livelihood program and emergency employment programs for the decommissioned MILF combatants na mas kilala sa tawag na TUPAD fund assistance.
Sa ilalim ng programa, bibigyan din ng tulong-panghanapbuhay at panimulang trabaho sa pamamagitan ng TESDA sa loob ng isang buwan ang mga rebel returnee kaakibat ang minimum na sahod.
Ayon kay Galvez, bahagi ito ng Bangsamoro normalization na una nang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga makikinabang sa programa ang mga decommissioned combatant mula sa anim na kampo ng MILF mula sa Maguindanao, North Cotabato, Lanao del Sur at Lanao del Norte.





Comments