B-day wish ko: Sama-sama nating linisin ang Maynila!

Sa nalalapit na kaarawan ng inyong lingkod, isa lamang ang ating hiling. Sana ay magkaisa tayong lahat at magtulungan upang malinis natin ang kapitolyo ng ating bansa, ang Lungsod ng Maynila.
Ngayong ika-24 ng Oktubre, Huwebes, kasabay ng pagdiriwang ng aking kaarawan, hinihiling ko na sama-sama tayong maglinis at mag-ayos ng ating pamayanan, tanggapan, gusali at mga nasasakupan.
Inaamin nating sa unang ika-100 araw ng aking panunungkulan bilang alkalde ay napakarami pang dapat gawin upang makamit natin ang pangarap na to make Manila great again.
Tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, hindi ito kaya ng iisang tao kaya umaasa tayo na lahat ng Manilenyo ay lumahok sa ating malawakang clean-up drive.
Inatasan natin ang Kawanihan ng Turismo at Kapakanang Pangkultura ng Maynila na pangunahan ito. Mula alas-7:00 ng umaga, sabay-sabay tayong maglinis ng ating kapaligiran bilang simbolo ng ating pagkakaisa bilang mamamayang Manilenyo na naghahangad ng pagbabago tungo sa ganap na pag-unlad ng minamahal nating lungsod.
Maraming salamat sa lahat ng mga nagpadala ng kanilang pagbati, mensahe at panalangin. Sana, pagpalain tayo ng ating Panginoon.





Comments