Multang P1,000 sa mga dugyot na resto, wa' 'wenta!
- Ryan B. Sison
- Oct 21, 2019
- 2 min read

May ipis sa inumin o pagkain, daga na namamasyal sa kusina at maruruming kutsara at tinidor. Ilan lang ang mga ito sa karaniwang nararanasan ng mga kostumer kaya kadalasan, nato-trauma ang mga ito na muling bumili sa naturang food establishment.
Kamakailan, ibinahagi ng news anchor na si Bernadette Sembrano na nakakita sila ng ipis sa milktea drink ng kanyang asawa. At kaugnay nito, ipinaalala sa mga may-ari ng food establishments ang Code of Sanitation of the Philippines o Presidential Decree No. 856.
Sa ilalim ng batas, inuutusan nito ang mga awtoridad, partikular ang Department of Health (DOH) na magbigay ng mga pamantayan na dapat ipatupad ng mga lokal na pamahalaan. Nakapaloob din dito na maaaring managot ang mga establisimyentong magpapabaya sa kalinisan ng kanilang mga pasilidad.
At dahil lokal na pamahalaan ang nagpapatupad, sila rin ang dapat magbantay sa kalinisan ng mga pasilidad kung saan dapat magsagawa ng inspeksiyon ang mga ito kada anim na buwan sa mga food establishments sa kanilang nasasakupan.
Gayunman, anim na buwang pagkakakulong at multang hindi hihigit sa P1,000 ang ipapataw sa establisimyentong mapatutunayang nagpapabaya sa kalinisan ng kanilang pasilidad. Gayundin, dapat magbayad ng danyos ang restoran sakaling masuka, magkaroon ng sakit ang nagreklamo, lalo na kung nakakain ito ng insekto.
Samantala, dapat ding bantayan ang paraan ng paghahanda ng pagkain, mula sa pagsusuot ng hairnet at gloves ng naghahanda ng pagkain, kalinisan ng kagamitan hanggang sa pagtatapon ng mga basura.
Hinihikayat naman ang publiko na mag-report sa DOH o City Health Office sakaling makaengkuwentro ng ganitong insidente upang maimbestigahan ang establisimyento.
Babala pa sa mga may-ari ng establisimyento na dedma sa babala ng mga LGUs, maaaring bawian ng sanitary permit ang establisimyento upang hindi na makapag-operate at tuluyang magsara.
Sa totoo lang, hindi na bago ang ganitong isyu, pero bakit sa halip na mabawasan, nadaragdagan pa? Nagagawa kaya ng LGUs ang tungkuling mag-inspeksiyon kada anim na buwan? Nagtatanong lang po!
Sana, huwag itong balewalain dahil ang mga kostumer ay nagbabayad nang tama kaya sana, pagsilbihan din sila nang tama. Hindi ‘yung sila na ang nagbabayad, sila pa ‘yung napapahamak dahil sa kadugyutan ng iba. Tsk!
Siguro, panahon na para dagdagan ang parusa sa mga lalabag sa batas upang magtanda ang mga ito at hindi na maulit ang hindi kanais-nais na mga insidente.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments