top of page
Pokwang.jpg

Mahigpit na seguridad sa mga malls, seryosohin, 'wag ningas-kugon

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 21, 2019
2 min read

Martilyo Gang strikes again!

Dumale na naman ang mga magnanakaw kung saan isang mall sa Mandaue City, Cebu ang kanilang pinasok.

Bandang alas-8:00 ng gabi nang disarmahan ng mga naka-bonnet at armadong suspek ang mga sekyu ng mall saka hinoldap ang dalawang jewelry shops, isang pawnshop at isang money changer.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sugatan ang isang guwardiya ng mall sa nasabing pag-atake habang apat sa walong suspek naman ang napatay ng mga awtoridad.

Kapag may mga ganitong balita, imposibleng hindi tayo makaramdam ng pangamba, lalo na ngayong malapit na ang kapaskuhan, tiyak na dagsa ang mga tao sa mga malls — mula sa mga namimili, namamasyal hanggang sa mga tamang tambay lang para magpalamig.

Sa sobrang dami ng mga pumapasok, paano nga ba matitiyak ang kaligtasan ng lahat?

May mga sekyu na parang ‘magic wand’ ang hawak, kaunting dutdot lang sa bag, okay na. Minsan, parang tamad na tamad pa silang magtsek ng mga pumapasok.

Hindi lang ito nangyayari sa mga malls kundi maging sa iba pang establisimyento.

Tipong panatag sila na walang gagawa ng masama o magpupuslit ng bawal at ‘pag nangyari na, saka magbabantay nang dibdiban.

Tulad ngayon, tiyak na matindi na ang pagbabantay sa mga matataong lugar matapos ang nangyari sa nabanggit na mall. Mas maraming bantay at mas matindi ang ginagawang pagbusisi para siguradong hindi mauulit ang ganu’ng insidente.

Ang tanong, hanggang kailan, baka kapag lumipas na ‘yung balita sa Martilyo Gang, petiks na naman?

Hindi dapat ganu’n. Ang mas mahigpit na seguridad ay ginagawa sa lahat ng oras dahil ang mga kriminal ay naghihintay lang ng pagkakataon kung kailan aatake.

Panawagan na rin sa mga namamahala sa mga malls at sa lahat ng pasyalan, tiyakin nating ligtas ang ating mga kostumer. Huwag puro kabig, mamuhunan din tayo pagdating sa seguridad. Kumuha ng mga guwardiya at medics na may kakayahan at totoong maaasahan, hindi pang-display lang.

At tayo namang publiko, huwag umangal o mag-inarte kung sumasailalim sa pag-iinspeksiyon. Mas mainam nang maabala nang ilang segundo kesa buhay ang malagay sa peligro.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page