79 atleta nalason sa ulam
- Jeff Tumbado
- Oct 21, 2019
- 1 min read

Nasa 79 estudyante na pawang mga atleta ang isinugod sa ospital matapos umanong malason sa ulam sa Candijay, Bohol, kamakalawa.
Karamihan sa mga nabiktimang atleta na mula sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan na dumadalo sa 3rd Congressional District Athletic Meet ay nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at diarrhea.
Batay sa ipinarating na report sa Candijay Municipal Police Station, dumanas ng matinding sama ng pakiramdam ang mga biktima nang kumain ang mga ito ng inihandang pananghalian na pork menudo.
Nabatid na dalawang baboy ang ipinakatay para sa pagkain ng mga atleta at inihanda ng may 48 kitchen personnel at dalawang student assistants.
Nasa 12 atleta pa ang nananatili sa ospital mula nang mangyari ang insidente.
Kumuha na ang mga kinauukulan ng samples sa pagkain at ininom ng mga atleta, gayundin ang rectal swabs ng ilang piling pasyente para sa pagsusuri.





Comments