Pulis at suspek utas sa engkuwentro
Patay ang pulis at ang suspek matapos mauwi sa engkuwentro ang tangkang pag-aresto sa huli na inirereklamo ng panggugulo sa Plaridel, Bulacan, kamakalawa.
Kinilala ang nasawing pulis na si Police Corporal Ronnie Tamaliuan, na nakipagbarilan sa suspek na si Nesty Nacino alyas Wekwek, na napatay din ng pulisya.
Ayon kay Police Col. Chito Bersaluna, alas-10:00 kamakalawa ng gabi nang mangyari ang engkuwentro sa isang relocation site sa Bgy. Lalangan.
Isang sumbong ang ipinarating sa Plaridel Municipal Police Station kaugnay sa panggugulo ng suspek at kanyang grupo.
Nang respondehan ay dito na umano pinagbabaril ni Nacino ang mga awtoridad na nauwi sa engkuwentro at habulan.
Nakapagtago pa si Nacino sa isang bahay sa nasabing relocation site.
Tinangka pa umanong hagisan ng granada ng suspek ang mga pulis subalit, tumama ito sa pader at hindi sumabog.
Bago pa mamatay ang suspek ay nagawa pa nitong mabaril si Corporal Tamaliuan na naisugod pa sa Dr. Peralta Hospital subalit, binawian din ng buhay sanhi ng tama ng bala ng shotgun.
Napag-alaman na ang suspek ay nakalaya mula sa Bulacan Provincial Jail.
Samantala, si Corporal Tamaliuan ay kinilala ng Bulacan Police dahil sa ipinakita nitong katapangan sa pagganap sa kanyang tungkulin.





Comments