Mga palpak na gusali, aprub dahil sa lagayan, bagsak naman sa lindol
- BULGAR

- Oct 20, 2019
- 2 min read
Kasunod ng Magnitude 6.3 na lindol na yumanig sa Mindanao, muling pinaalalahanan ang publiko na sumunod sa building code na ipinatutupad sa bansa.
Matatandaang, kabilang sa mga pinsalang naidulot ng pagyanig ay ang pagkawasak ng ilang gusali, mga bahay, Simbahan at paaralan kung saan ilan sa mga nasawi ay pawang nabagsakan ng gumuhong pader.
Kung walang pagkakataong makalabas, ang matibay na imprastruktura ay malaking tulong sana para makaligtas, kaso, baka malibing lang nang buhay dahil sa kapalpakan. Nakadidismaya dahil may mga pasaway pa rin na hindi sumusunod sa batas. May mga gusaling matatanda na at ‘ika nga nila, isang ihip na lang, bibigay na. ‘Yung iba naman, bagumbago, may bitak, buking na substandard!
Ang istayl kasi, lalo na sa mga contractor na nagmamadaling makapagpatayo ng building o mga townhouse, imbes dumaan sa tamang proseso, maglalagay na lang. At itong mga tumatanggap, kahit mali ang nasa plano o kuwestiyunable, inaaprub.
Ang matindi, maging ang ilang gusali na pag-aari ng gobyerno ay lumalabag din sa batas. Mina-magic ang budget, ‘yung iba, napupunta sa bulsa ng mga ‘buwaya’. Ang magsasakripisyo, ang titira o gagamit ng building. Buhay ng mga inosente kapalit ng pera — mga walang konsensiya!
Ang mga bahay o building ay dapat umaayon sa tama at iminumungkahing “safe engineering practice” na nakasaad sa National Building Code of the Philippines at National Structural Code of the Philippines, mula sa lokasyon, konstruksiyon, paggagamitan, pati maintenance o pagre-repair.
Ayon sa mga eksperto, dapat may kakayahang labanan ng gusali sa bansa ang nasa 8.4 Magnitude na lindol. Kung sa 6.3 pa lang ay gumuho na, anong mangyayari sa tibay na inaasahan? At ang isa pang nakapagtataka, kung kelan lumindol na at may namatay, saka lang ulit tututukan ang mga kapabayaan.
Palaging sinasabi na traydor ang lindol, walang makaaalam kung kelan tatama, pero tila walang sapat na paghahanda. ‘Yung binabanggit na matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa building code, hindi pa rin nakakastigo at malamang, marami at nagtataasan pa ang building ng mga ‘yan.
Ang isa pang matinding tanong, paano mino-monitor ng gobyerno ang mga ito?
Bakit hanggang ngayon ay nakalulusot pa rin?
Panahon na para hindi lang mga gusali ang pagtibayin kundi ang mismong implementasyon ng batas. Nariyan na ang mga dapat at hindi dapat, ang puwede at bawal, ipatutupad na lang.





Comments