‘Yun ang totoo! Kambal, kailangang maghiwalay para parehong umunlad at magtagumpay
- Maestro Honorio Ong
- Oct 20, 2019
- 3 min read
Dear Maestro, May kakambal ako at masasabi kong maganda ang buhay ko, pero ‘yung buhay niya ay kabaligtaran. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral at nang gumanda ang buhay niya ay hindi ito nagtagal. Gayundin, wala siyang pamilya at regular na hanapbuhay kaya umaasa lang siya sa aming magkakapatid. Ang ipinagtataka ko ay pareho naman kami ng kaarawan, zodiac sign at halos pareho rin ang oras ng kapanganakan namin, pero bakit magkaiba ang aming kapalaran? Hindi ko na sasabihin ang birthday namin dahil maraming nakakikilala sa amin dito sa aming lugar at marami ring nagbabasa ng diyaryo n'yo rito.
Umaasa, Peter ng Cainta, Rizal
Dear Peter, Madalas mangyari ang katulad ng inyong karanasan kung saan ang magkakambal ay may magkaibang kapalaran. Ang madalas na solusyon ng matatanda ay ang paghihiwalay sa kambal. Halimbawa, nasa abroad ‘yung isa o probinsiya upang hindi sila maghatakan at maghigupan ng kapalaran.
Samantala, libu-libong taon na ang nakararaan mula nang naimbento ang sining at siyensiya ng Astrolohiya, pero ang tanong mo ay wala pang convincing na kasagutan mula sa mga eksperto.
Bakit hindi convincing o katanggap-tanggap ang kanilang nagiging sagot tungkol sa baligtad na kapalaran ng kambal? Kapag inobserbahang mabuti ang mga kambal, hindi naiiwasang pagkumparahin ang mga ito, lalo na ang kanilang kapalaran.
Minsan, ‘yung isa ay may buo at masayang pamilya habang ang kakambal ay hiwalay sa asawa. Maaari rin na ang isa ay may maganda at maayos na buhay habang ang isa ay hindi nakasumpong ng kampante at maayos na estado ng pamumuhay.
Sa mga pangyayaring nabanggit, waring daplis o mali ang sinasabi ng mga bituin at numero kung Astrolohiya at Numerology ang pagbabatayan, pero dahil hindi tayo sumasandig sa dalawang sangay ng kaalamang nabanggit, ina-apply din ang psychological analysis, guhit ng palad, signature at hugis ng mukha.
Bakit magkaiba ang kapalaran ng kambal? Ayon sa paliwanag ng mga eksperto, ang kambal ay iisang manipestasyon ng puwersa. Ibig sabihin, iisa sila pero dalawa ang energy at ito ang negative at positive energy.
Kapag isinilang ang kambal, ang dalawang enerhiya ay paghahatian ng dalawa. ‘Yung isang bigo sa buhay ang nakakuha ng negatibong puwersa, habang nakakuha ng positibong puwersa ang kakambal at ito ang dahilan kung bakit magkaiba ang kapalaran ng dalawa.
Ayon sa kuwento sa Bible, may anak na nanatili sa bahay habang ‘yung isang anak ay naglayas at nang bumalik ang isa, tuwang-tuwa ang ama, samantalang labis na pagkaselos ang nadama ng kapatid na nanatili sa kanilang mga magulang.
Minsan, magkatumbalik talaga ang kapalaran ng mga kambal, gayundin ang magkasunod na magkapatid. Halimbawa, ang panganay ay bigo, habang tagumpay ang ikalawa o vice-versa.
Dahil dito, totoong nagdadaigan ang kapalaran ng magkapatid at kung sino ang mananalo, siya ang magkakaroon ng tagumpay na kapalaran habang ang isa ay magiging alipin ng kabiguan. Ito rin ang dahilan kung bakit pinaghihiwalay ang kambal at magkasunod na kapatid.
Nangyayari ang ganu’n hindi dahil ginusto ng magkapatid kundi dahil ‘yun ang nakatakda. Ang pagdadaigan ay likas na batas ng kalikasan kung saan palagi nang may negatibo at positibong puwersa na nasasagap at pumapaloob sa pagkatao ng kambal, gayundin ng magkasunod na mga anak.
Kaya kapag may kakambal ka at napansin mong magkaiba ang inyong kapalaran, subukan mo nang lumayo sa kanya at sa ibang lugar ka magsikap at magsipag. Kapag ganito ang ginawa mo dahil malayo kayo sa isa’t isa, darating ang araw na pareho kayong magtatagumpay at habambuhay na magiging maligaya.




Comments