top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

UST, FEU at DLSU, agawan na sa tsansa ng Final 4

VA
Oct 19, 2019
2 min read

Palalakasin ang kanilang tsansa na makausad sa Final 4, ang tatangkain ng mga koponang University of Santo Tomas, Far Eastern University at De La Salle sa pagsabak nila sa nakatakdang double header ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.

Magkakadikit mula sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto ang Tigers (6-5), Green Archers (5-5) at ang Tamaraws (5-6) sa kasalukuyan sa likod ng undefeated at pasok na sa semis na Ateneo de Manila (11-0) at ng pumapangalawang University of the Philippines (6-4).

Dahil dito, inaasahang lalong titindi ang bakbakan sa final stretch ng second round. Unang sasalang ganap na 2 p.m. ang UST kontra Cellar Dweller na National University (2-8) bago ang muling tapatan ng FEU at ng DLSU ng 4:00 p.m.

Manggagaling sa bounced back win at ikalawang beses na paggapi nila sa Maroons ngayong season, magtatangka ang Tigers na maulit ang kanilang 87-74 na panalo kontra Bulldogs noong first round upang tumatag sa 3rd spot at palakasin ang tsansang makasingit pa sa no.2 slot. Inaasahang maglalaro na ulit ngayong hapon para sa Tigers ang kanilang prized recruit mula Pangasinan na si Rhenz Abando matapos na ‘di ito lumaro sa nakaraang laban kontra UP dahil sa isyu ng loyalty pagkaraang mapag-alaman na dalawang UAAP schools ang humihikayat sa kanyang lumipat at iwan ang UST.

Siniguro ni Abando na hindi niya iiwanan ang koponan ng Tigers sa naganap na pagpupulong nila nina UST Athletic director Fr. Jannel Abogado at coach Aldin Ayo.

Sa tampok na laro, pipilitin ng Tamaraws na makabawi sa nakaraang ikalawang kabiguang natamo sa kamay ng defending champion Blue Eagles sa pamamagitan ng tangkang pag-ulit sa 66-55 na paggapi nila sa Green Archers noong unang round.

Samantala, sa panig ng DLSU, sasakyan nila ang nakuhang momentum mula sa bounced back win na naitala sa nakaraang laban nila kontra UE Red Warriors upang makabawi sa Tamaraws.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page