Sa graft at drugs — Senado.. Albayalde, guilty sa ninja cops
- Mylene Alfonso
- Oct 19, 2019
- 2 min read

Photo: Right (GMA Network)
Pinasasampahan ng Senate Blue Ribbon and Justice Committees ng kasong kriminal si dating Philippine National Police Chief General Oscar Albayalde at 13 umano’y ninja cops na sangkot sa maanomalyang drug operation sa Pampanga noong 2013.
Ito ay makaraang ipinrisinta kahapon ni Senador Richard Gordon, chairman ng komite ang 46-pahina na draft committee report sa Senate media hinggil sa drug recycling sa PNP.
Inirekomenda ng komite ang paghahain ng kaso sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa sinasabing misappropriation ng ilegal na droga laban kay Albayalde at 13 pulis.
Pinakakasuhan din ni Gordon si Albayalde dahil sa paglabag sa RA No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang tawagan nito si Philippine Drug Enforcement Agency Chief Aaron Aquino, na dating head ng Central Luzon Police na huwag iimplementa ang dismissal order laban sa 13 pulis.
Gayundin, nang sabihan umano ni Albayalde si retired General Rudy Lacadin, na dating PNP Criminal Investigation and Detection Group DeputyDirector na kaunti lamang ang napunta sa kanya nang mangyari ang 2013 drug operations.
Nanindigan si Gordon na guilty ang grupo ni Albayalde ngunit, ipinauubaya na niya sa Department of Justice at Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso.
“We are passing it on to the Secretary of Justice and to the Ombudsman. It is up to them if they want to file a case,” ani Gordon.
Ayon sa Senador, kailangan ng 11 lagda mula sa miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee bukod pa sa limang pirma mula sa mga miyembro ng Senate Justice Committee.
Nabatid na 13 boto lamang ang kailangan para i-adopt ng Senado ang draft committee report.
Nakatakdang bumalik ang sesyon ng Kongreso sa Nobyembre 4.





Comments