Magkakalat ng fake news tungkol sa lindol o tsunami, kulong!
- Ryan B. Sison
- Oct 19, 2019
- 2 min read

Mayroon nang iba’t ibang paraan ng pagbibigay-paalala sa mamamayan, lalo na kung may kalamidad tulad ng bagyo, lindol o sunog at isa na rito ang pagpo-post sa social networking sites.
Kamakailan, nakaranas ng malakas na pagyanig sa Mindanao na ikinasawi ng lima katao at dahil dito, kani-kanyang paalala ang netizens sa isa’t isa na maging maingat at mapagmatyag.
Pero kasabay ng pagpapaalala, tila may pumalya. Inimbitahan ng mga awtoridad ang 17-anyos na babae matapos magpakalat ng maling impormasyon sa social media sa Bgy. Daliao, Toril, Davao City.
Base sa post ni alyas Nene sa Facebook, magkakaroon umano ng mas malakas na lindol kasunod ng nangyaring pagyanig noong Miyerkules na nagdulot ng panic at paglikas ng mga naninirahan sa coastal area sa nasabing barangay. Nakuha umano niya ang impormasyon sa paligid kaya ipinost niya ito para maabisuhan ang lahat.
Gayunman, nilinaw ng City Disaster Risk Reduction and Management Office na hindi totoo ang mga tsunami alert. Nagbanta naman si Rodrigo Bustillo, Operations chief ng lokal na Disaster-Mitigation Agency, sa iba pang nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa lindol at tsunami na mas mabuting burahin na ang ganitong posts dahil ipaaaresto ang mga ito.
Matatandaang, isa ang Davao City sa mga nakaramdam sa epekto ng Magnitude 6.3 na lindol na tumama sa North Cotabato noong Miyerkules ng gabi.
Kahit maganda ang intensiyon, balewala ito kung walang katotohanan ang ipinakakalat na balita.
Paalala sa lahat, maging maingat sa pagpo-post sa socmed, lalo na ng mga ganitong uri ng babala dahil sa sobrang dami ng gumagamit nito, mataas ang tsansa na magdulot ito ng takot sa mga makakabasa ng post.
At panawagan sa publiko, bago mag-share o mag-post, kumpirmahin kung totoo ang impormasyon sa pamamagitan ng pagtsek sa opisyal na Facebook page ng ahensiya ng gobyerno o galing sa mapagkakatiwalaang news page.
Sa panahon ngayon kung saan mabilis ang pagkalat ng fake news sa socmed, maging matalino at mapanuri tayo sa lahat ng posts na nakikita natin bago ito paniwalaan dahil ‘ika nga, ligtas ang may alam!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments