top of page

Kahulugan ng rainbow sa panaginip ng taong may sakit

  • Socrates Magnus
  • Oct 19, 2019
  • 2 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Strawbz ng Strawbz_Fieldsforevz@facebook.com

Dear Professor, May karamdaman ako ngayon at nagkaroon ako ng iba’t ibang panaginip. May hindi kilalang tao na pumasok sa bahay namin at sinabi ko na “mas mabuti pang mamatay kesa maghirap sa sakit,” tapos nagyakapan kami at umiyak. May tahi ako sa tiyan nu’n. Nanaginip din ako na dumura ako sa tubig at may lumabas na maliit na uod at lumaki ito saka naging bulate. Dalawang beses akong dumura at lumaki ang uod. Gayundin, napanaginipan ko na nasa Simbahan si Padre Pio at nasa pinto ako. Humingi ako ng tulong sa kanya, pero tumitingin lang siya sa akin. Tapos, nakita ko sa langit ang malaking imahen ng Divine Mercy at sa halip na sinag na pula at puti ang lumalabas sa puso niya, rainbow ang nakita ko at gandang-ganda ako. Ano ang ibig sabihin ng mga ito?

Naghihintay, Strawbz

Sa iyo Strawbz, Mas madalas managinip ang may mga karamdaman at ang kadalasan nilang panaginip ay ang tulad ng napanaginipan mo na mga santo at senaryo sa langit.

Dahil sa karamdaman mo, napanaginipan mong dinalaw ka ni Lord. Puwede ring sabihin na hindi talaga si Lord ang nakita mo kundi simpleng tao na hindi mo kilala.

Alam mo, iha, si Jesus mismo ang nagsabi na hindi Ako kilala ng sariling Akin kung saan si Lord ay parang nagtatampo dahil hindi Siya kilala ng Kanya. Masyadong malalim ang sinabi Niyang ito, pero huwag na nating arukin pa dahil baka maligaw tayo.

Pansinin mo ang salitang “akin” at “hindi kilala”, ito ay nagsasabing, hindi mo Siya kilala at inaangkin ka Niya. Nakatutuwa na kahit hindi Siya kilala ng ilan ay hindi Niya itinatakwil ang mga ito.

Sa madaling salita, mahal ni Lord ang Kanyang mga tagasunod kahit kulang ang kaalaman ng mga ito tungkol sa Kanya.

Ang pagyayakapan ninyo ng hindi mo kilala ay nagsasabing mahal na mahal ka ni Lord at ito ay maihahalintulad sa obra-maestra na “pieta” kung saan nasa kandungan at yakap-yakap ang tao na nanghihina na. Huwag kang matakot dahil gagaling ka at ito ang gustong ipahiwatig ng iyong panaginip dahil si Lord ay The Lord of Healings.

Ang isa mong panaginip tungkol sa rainbow ay sumisimbolo ng magandang kapalaran pagkatapos ng paghihirap. Minsan, akala ng iba ay hindi totoo na magandang kapalaran ang sinisimbolo ng rainbow.

Ayon sa Bible, nang maawa si God sa tao pagkatapos ng bahang-gunaw, lumikha Siya ng rainbow bilang palatandaan na nahabag Siya sa tao at hindi na Niya gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng baha.

Ang rainbow sa iyong panaginip ay nagsasabing hindi ka pababayaan ni God kahit kailan.

Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page