RTC, hinakot ang awards sa egg run

Mas pinasayang fun run ang inihatid sa MOA Grounds ng Eatlog run noong Linggo, Okt. 13 nang sorpresahin ng event organizer ang mga mananakbo ng limang ipinarada nilang litsong baboy makaraan ang 3k,5k at 10k na hagaran ng mahigit 5,000 nagsilahok.
Umapaw din ang mga papremyo para sa raffle prizes, mga palaro at freebies ng iba’t ibang sponsors na sumuporta sa event na sinabayan din ng kategorya para sa buddy runs na isang family oriented at layuning palakasin ang healthy lifestyle ng runners.
Nagkampeon sa makasabog-bagang 10km men’s race ang pambato ng Running Team Calabarzon na si Mark Garin habang sa kababaihan ay ang running mom na si Cindy Lorenzo na pinangatluhan naman ni Melanie Malihan. Nagkampeon sa 5-km si Neil Jhon Pasco habang sa 5-km Buddy Run ay sina Ezekiel Certeza at Jonard Manalo na binuntutan sa 3rd place ni Joriel Pagcaliwagan at 3K male champ si Dickyias Mendioro na pawang mga taga-RTC na lahat ay sinuportahan ng Micah’s Farm Fresh Eggs.
Bilang media partner ang BULGAR, nakiisa ang mga empleyado at press writers ng aming pahayagan na tumakbo sa event ng Aldenver Marketing Events na kasabay na rin ng idinaraos na World Egg Day tuwing ikalawang Linggo ng Oktubre.
Tulad ng nakaraang patakbo ang event ay isang benefit run na kung saan bahagi ng kinita ay mapupunta sa Save the Children at Armed Forces of the Philippines Educational Benefit Systems Office (AFP-EBSO). Ipagpapatuloy din ng karera ang partnership sa mga affiliated government agencies tulad ng Dept. of Agriculture (DA), Bureau of Animal Industry (BAI) Dept. of Health, National Nutrition Council (NNC) maging sa mga poultry industry partners ng bansa upang mapalakas ang programa at commitment na maitaguyod ang isang malusog na pamayanan. Unang-una na rito ang mga eskuwelahan at iba pang institusyon para sa makabuluhang aktibidad.





Comments