Red Lions, swak sa finals; Cargo, champ ulit sa PSL

Walang hirap na pumasok ang defending champion San Beda University sa seryeng best of three para sa kampeonato ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA). Dinispatsa ng Red Lions ang sinasabing pinakamatindi nilang karibal Lyceum of the Philippines University, 85-62, sa FilOil Flying V Centre kahapon.
Winalis ng Red Lions ang kanilang 18 laro at maghihintay na lang kung sino ang magiging kalaro buhat sa tatlong iba pang paaralan na pasok sa Final 4– ang ika-14 sunod na taon na pumasok ang San Beda sa kampeonato buhat noong 2006. Kahit bigo, hawak na ng Pirates ang ikalawang pwesto sa bisa ng kanilang 13-5 panalo-talo.
Nagpiyesta sa ilalim si Donald Tankoua dahil sa pagliban sa laro ni Mike Harry Nzeusseu bunga ng injury para pangunahan ang Red Lions na may 26 puntos at 8 rebound. Sinundan siya nina Calvin Oftana na may 18 puntos at 10 rebound at James Canlas Kwekuteye na may 17 puntos at 7 rebound.
Sa unang laro, nakuha ng Colegio de San Juan de Letran ang ikatlong puwesto sa Final 4 matapos nilang ilampaso ang Emilio Aguinaldo College, 87-79.
Lamang ng isang puntos lang ang Letran matapos ang tatlong quarter, 56-55, subalit umapoy para sa siyam ng kanyang 20 puntos si kapitan Jerrick Balanza upang maging susi sa kanilang ika-12 na tagumpay.
Samantala, malalaman ngayong huling araw ng elimination round kung sino ang ika-apat na paaralan sa Final Four.
Samantala, muling nagkampeon ang F2 Logistics Cargo Movers nang tigpasin ang Petron Blaze Spikers sa bisa ng 25-22, 25-19, 17-25, 22-25 at 15-14 sa umabot na 5th set na bakbakan sa sudden death finals ng Philippine Superliga Invitational Conference kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ikalimang kampeonato na ito ng Logistics at back-to-back championship sa invitational na pinangunahan ni Kalei Mau ang atake ng tropa.
Samantala, nagwagi para sa bronze medal ang Cignal HD Spikerrs matapos ang 25-22, 25-15, 25-17 na analo kontra Foton Tornadoes sa Philippine Superliga Invitational Conference. Namuno si Roselyn Doria sa balanseng atake ng HD Spikers na impresibo rin ang laro.





Comments