top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mataas na lagnat, sorethroat, pagsusuka etc., signs ng meningococcemia

Shane M. Ludovice, M.D
Oct 18, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane, Ako ay avid fan ng Bulgar at isa ang column ninyo sa palagi kong inaantabayanan. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa meningococcemia? Maraming salamat! — Gng. Susan

Sagot Ang meningococcemia ay malalang sakit na dulot ng impeksiyon ng bacteria na Neisseria meningitidis sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (upper respiratory tract) at sa daluyan ng dugo (blood stream). Ito ay maaaring makamatay kung mapababayaan.

Sa simula, ang bacteria ay maaaring manirahan sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (loob ng ilong at lalamunan) nang walang anumang sintomas. Pero kalaunan, kapag ito ay nakapasok sa daluyan ng dugo, maaaring magsimula ang pagkakaroon ng mga sakit.

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakahawa ng sakit?

Ang pakikisalamuha sa taong apektado ng sakit ang pangunahing salik na nakapagpapataas ng panganib ng pagkakahawa nito. Tumataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit kung magtutungo sa mga lugar na napababalitang may kaso nito.

Ano ang mga kumplikasyon nito?

  • Arthritis

  • Pagkamatay at pagkabulok (gangrene) ng ilang bahagi ng katawan na hindi nararating ng dugo

  • Pamamaga ng mga daluyan ng dugo dahil sa impeksiyon

  • Impeksiyon sa puso

  • Pagkasira ng adrenal glands

Ano ang lunas sa meningococcemia?

Kapag natukoy nang maaga ang sakit na ito, malaki ang posibilidad na magamot. Kadalasan, nagagamot gamit ang iba’t ibang uri ng penicillin at chloramphenicol naman kung may allergy sa penicillin.

Pero kapag malala o kumalat na sa katawan ang impeksiyon, kailangang madala agad ang pasyente sa intensive care unit o ICU para magawa o mabigyan ng mga sumusunod:

  • Antibiotic na ipinadaraan sa ugat o intravenous (IV)

  • Breathing support

  • Gamot na tutulong sa pamumuo ng dugo at pagdaragdag ng mga nawalang platelets

  • Karagdagang tubig sa katawan na ipinadaraan sa ugat o intravenous (IV)

  • Gamot para sa mababang presyon ng dugo

  • Tamang pangangalaga sa mga sugat sa katawan

Narito ang ilan sa mga sintomas ng meningococcemia:

  • Mataas na lagnat

  • Pananakit ng ulo

  • Pabalik-balik na ubo

  • Sore throat

  • Pananakit ng mga kalamnan

  • Pagiging irritable

  • Pagsusuka

  • Tulduk-tuldok na rashes

  • Matinding pagsusugat sa balat na maaaring humantong din sa pagkamatay (gangrene) ng bahaging ito

  • Pabagu-bago o paghina ng mga vital signs

  • Pagdedeliryo

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kapag nakararanas ng ilan sa mga sintomas nito, partikular kung nilagnat sa loob ng sampung araw, makabubuti kung pupunta agad sa doktor, lalo na kapag nasa lugar o may nakasalamuhang may ganitong kaso.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page