Bebot pinabarangay, rumesbak.. Kapitbahay, minartilyo sa noo

Sugatan ang 34-anyos na ginang matapos hatawin ng martilyo sa noo ng 22-anyos na dalagang kapitbahay sa Valenzuela City.
Ginagamot sa Valenzuela Medical Center si Rosalinda Acosta, habang nadakip naman ng mga barangay tanod at mga tauhan ng PCP-2 ang suspek na si Sarah Daris Hasan ng Bgy. Gen. T. De Leon at nakuha ang ginamit na martilyo.
Sa ulat na nakarating kay Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces, matagal nang may alitan ang suspek at biktima sa hindi pa mabatid na dahilan na naging sanhi upang ireklamo sa barangay ni Acosta ang kapitbahay.
Matapos mabigo si Chairman Alfren Caiña ng Bgy. Gen. T. De Leon na mapagkasundo ang dalawang panig, ipinasya niyang iakyat ang usapin ng magkapitbahay sa kanilang Lupon na didinig sa reklamo ni Acosta.
Bago pa man makapaglabas ng “certificate to file actions in court”, inabangan na ni Hasan ang biktima saka sinabunutan bago hinataw ng martilyo sa noo at pinagtatadyakan pa.
Sa halip na kasong pambarangay lamang ang haharapin ni Hasan, sinampahan siya ng pulisya ng attempted murder sa piskalya ng Valenzuela City.





Comments