Anak ni Samboy Lim, Jamie karateka champ sa Turkey
- Gerard Arce
- Oct 18, 2019
- 2 min read

Sumipa ng walong medalya ang Karate Pilipinas sa nagdaang 2019 Amatör Spor Haftasi Karate Championship noong Okt. 13 sa Sakarya, Turkey bilang paghahanda sa nalalapit ng pagbubukas ng 30th Southeast Asian Games sa bansa.
Ibinulsa ni Jamie Christine Berberabe Lim ang nag-iisang ginto ng pambansang koponan matapos dispatsahin ang hometown fighter sa iskor na 8-0 upang pangunahan ang titulo sa senior female -68kgs kumite.
Ang summa cum laude ng UP karateka ay ang anak ni PBA legend at ‘Skywalker’ Samboy Lim na nagawang makipagtagisan sa iba’t ibang female karatekas sa pandaigdigang kompetisyon.
Nakakolekta rin ng 3 silver medal ang national team nang kunin ni 2017 SEAG silver medalist Rexor Tacay ang panibagong pilak na medalya nito sa senior male -67kgs kumite, habang nag-uwi rin sina Ivan Agustin ng silver sa senior male -75kgs kumite at Miyuki Tacay ng karagdagan pang silver sa senior female -61kgs kumite.
Sumuntok din ng 4 na tansong medalya para sa bansa sina Mae Soriano sa senior female -55kgs kumite, Engene Dagohoy (senior male -84kgs kumite), Prince Alejo (senior male -67kgs kumite) at Sharief Afif (senior male -75kgs kumite).
Naghahanda ang national team sa nalalapit na biennial meet na magbubukas sa Nob. 30-Dis. 11 sa iba’t ibang panig ng Luzon. Sumailalim ang mga ito sa matinding ensayo mula sa dating coach ng Turkish national team at batikang European at World Champion na si Okay Arpa bilang paghahanda sa kanilang nakaiskedyul na Dis. 7-9 sa World Trade Center sa Pasay City.
Nais ng Karatedo team na malampasan ang 3 silver at 4 bronze medal nito sa 2017 Malaysian meet kung saan hinakot ng host country ang 7 sa 16 medalyang ginto kasama ang 2 pilak at 4 na tansong medalya upang tanghaling overall champ ng Karatedo.





Comments