top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Wang-wang, gamitin sa emergency at hindi para makaiwas sa trapik

  • Ryan B. Sison
  • Oct 17, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Dahil sa hindi matapus-tapos na problema sa trapik, halos lahat ay naging isyu na.

Kamakailan, kumasa si Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa “commute challenge” para patunayang walang krisis sa transportasyon at kasunod nito, sinabi ni Vice-President Leni Robredo na itigil na ang paggamit ng wang-wang.

Ayon sa batas, ang mga ambulansiya, pulis, bumbero, BJMP at NBI lang ang puwedeng gumamit nito at kailangan umanong magbigay-daan kapag tumunog ang wang-wang ng mga ito.

Sa mga taga-gobyerno naman, tatlo lang ang matik na may security escort — ang pangulo, VP at Senate President.

Samantala, nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang mga senador, kongresista at iba pang opisyal ng gobyerno ay dapat makakuha ng permit bago gumamit ng wang-wang.

Dagdag pa rito, puwede umanong ireklamo sa MMDA, DOTr, LTO at LTFRB ang gumagamit ng wang-wang sa mga pekeng emergency o convoy.

Matatandaang, sinabi noon na tila wa’ ‘wenta ang wang-wang ng mga ambulansiya dahil ayaw magbigay-daan ng mga motorista kaya hindi umaabot sa ospital ang pasyente at namamatay na lang.

At dahil dito, hindi kumontra ang taumbayan na kapag ambulansiya, bumbero o pulis ang gumamit ng wang-wang, dapat tumabi para paraanin ang mga ito.

Ayon sa mga komyuter, okay lang magbigay-daan kung emergency, pero kung inaabuso ang paggamit nito, ‘yun ang problema.

‘Yung tipong wagas makagamit ng wang-wang, pero wala naman talagang emergency at ginagamit lang ito para makaiwas sa trapik. Tsk!

Panawagan sa mga drayber, kung may karapatan kayong gumamit ng wang-wang, gamitin ito nang tama at huwag nang manlamang sa kapwa. Sana, makonsensiya naman kayo.

Tandaan, ang wang-wang ay para sa emergency at hindi para makaiwas sa trapik!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page