Pinasok ng 2 riding-in-tandem.. Mag-asawang titser niratrat sa klasrum

Sugatan ang isang pampublikong guro makaraang pagbabarilin sa loob ng eskuwelahan ng elementarya sa Valencia City, Cagayan de Oro, kamakalawa ng umaga.
Batay sa ulat, apat na hindi nakilalang lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang pumasok sa Dalit Elementary School sa Sitio Dalit, Bgy. Lumbayao.
Nang makita ang biktimang si Zhydee Cabañelez, 32, agad itong pinagbabaril habang magsisimula pa lang sanang magturo.
Nabatid kay Lt. Col. Surki Sereñas, na nasa loob din ng silid-aralan ang mister nitong si Ramil, 34, na isa ring guro at ang pito pang estudyante.
Nang pumasok umano ang mga suspek ay nagpakilala silang mga tagabukid.
Lumapit umano kay Cabañelez ang mga suspek at tinanong kung nasaan ang asawa nito at nang makita ang pakay ay pinagbabaril na agad namang nakapagtago sa ilalim ng mesa bago binalikan ang biktima na dalawang beses binaril.
Nagawang makalabas ng silid-aralan ng ginang kahit sugatan saka tumakas ang mga suspek.
Ayon pa kay Sereñas, biniberipika na nila ang ulat na ang tatay ni Cabañelez ay miyembro umano ng New People’s Army na nakabase sa Bukidnon.





Comments