top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Dahilan kaya nagkakapulmonya at mga paraan para maiwasan

Shane M. Ludovice, M.D
Oct 17, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane, Nagkaroon ng pulmonya ang aking nanay na edad 67 at hindi namin alam kung kanino o saan niya ito nakuha dahil wala namang may ganitong sakit sa aming pamilya. Ano ang sanhi nito at paano ito magagamot? — Dana

Sagot Ang pulmonya ay impeksiyon sa baga na dulot ng bacteria, virus o fungus. Malaki ang panganib kung ang pasyente ay edad 65 pataas, may matagalang karamdaman o mahina ang immune system.

Ang iba pang risk factors sa pagkakaroon ng pulmonya ay ang paninigarilyo, emphysema (sakit sa baga) at exposure sa polusyon sa hangin.

Paano nakukuha ang pulmonya? Kadalasan, nag-uumpisa ang pulmonya sa trangkaso o ubo at kapag mahina ang immune system ng pasyente, puwedeng lumipat ang impeksiyon sa baga at maging pulmonya.

Ang sintomas ng pulmonya ay lagnat, ubo, hirap sa paghinga at panghihina ng katawan.

Pero, hindi lahat ng pasyente ay nagkakaroon ng ganitong sintomas kaya dapat magpa-chest x-ray ang pasyente.

Ang chest x-ray ang tiyakang magsasabi kung ang pasyente ay may pulmonya o wala. Ipinasusuri rin ng doktor ang plema (sputum test) para matukoy ang mikrobyo ng pulmonya.

Ano ang kumplikasyon? May dalawang klase ng pulmonya. Ang isa ay nakukuha sa komunidad o community acquired pneumonia habang ang isa naman ay galing sa ospital o hospital acquired pneumonia. Mas seryoso ang mikrobyo na galing sa ospital.

Ano ang lunas sa pulmonya?

  • Pag-inom ng gamot sa ubo at lagnat tulad ng carbocisteine capsule at paracetamol tablets.

  • Kailangang magkaroon ng sapat na pahinga ang pasyente.

  • Uminom ng maraming tubig para lumabnaw ang plema at bumaba ang lagnat.

  • Pag-inom ng antibiotics. Kung hindi pa malala ang pulmonya, puwede itong makuha sa pag-inom ng antibiotics, pero kung may edad na ang pasyente o matindi ang impeksiyon, kailangan na siyang i-confine sa ospital para mabigyan ng antibiotic sa suwero.

Paano makaiiwas sa pulmonya?

  • Magpabakuna laban sa pulmonya at trangkaso. Ang pneumonia vaccine ay ibinibigay kada limang taon at ang flu vaccine naman ay ibinibigay kada taon. Ang mga taong edad 60 pataas ang kadalasang binibigyan nito.

  • Ugaliing maghugas ng mga kamay at dumura sa tamang lugar. Iwasang makihalubilo kapag may ganitong sakit nang sa gayun ay hindi makapanghawa sa iba.

  • Iwasan o huwag manigarilyo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page