Vintage bomb na hindi pa sumasabog, nahukay

Hindi pa rin makapaniwala ang payloader operator sa kanyang pagkakatagpo sa dambuhalang vintage bomb na kanyang natungkab sa isang construction site sa Sitio Lusong, Bgy. Bianan, Mariveles, Bataan.
Ang nabanggit na bomba na may habang apat na talampakan, isang talampakan sa diametro at may timbang na 1,000 pounds ay nahukay ni Roberto sa pagtatayuang planta.
Ayon kay Police Corporal James Ocampo, isang uri ng unexploded explosive ordnance o UXO ang nahukay na bomba.
Ibig sabihin, hindi pa ito sumabog sa lupa nang ihulog mula sa Japanese warplane at posible pa rin itong sumabog.
Sa isinagawang retrieval operation ng bomb squad ay maingat na naiangat at naialis sa lugar ang bomba gamit ang payloader.
Dinala pansamantala sa magazine site ng provincial police office ang vintage bomb.





Comments