top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga todo-ngawa pero wa' magawa sa trapik pahiya kay Panelo

Bong Revilla
Oct 16, 2019
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Halos lahat ay nagkakaisa sa pagsasabing may krisis tayo sa transportasyon, pero kung gobyerno ang tatanungin, wala raw tayong krisis.

Ang nakakatuwa pa, umabot tayo sa puntong pati si Presidential Spokesperson Salvador Panelo ay naobligang mag-commute para ipakitang walang krisis sa transportasyon.

Tulad ng dapat asahan, iginiit ng tagapagsalita ng Palasyo na maayos ang lahat, walang problema at walang krisis sa transportasyon at tulad din ng dapat asahan, kinontra ito ng ilang netizens.

Sa totoo lang, lahat ay may kani-kanyang opinyon o depenisyon sa iba’t ibang bagay tulad na lang ng matinding trapik sa bansa.

Pero sa personal nating opinyon, malaking kabayanihan ang ginawa ni Panelo na pagbigyan ang hamon sa kabila ng lahat na puwede naman niyang huwag pansinin ang hamon na mag-commute.

Huwag na nating pag-usapan ang pisikal na kaligtasan dahil hindi naman ito inalintana ni Panelo, ang tingnan natin ay ang kanyang motibo para tanggapin ang hamon.

Alam ni Panelo na kahit gawin niya ang hamon, hindi magbabago ang komento ng mga may ‘pakana’ nito at alam din niyang bukod sa mas lalaki ang isyu, uulanin pa siya ng banat lalo na mula sa hanay ng media at walang pakundangang mga trolls.

Ngunit muli, hindi ito inalintana ni Panelo, ilang araw siyang binabanatan at mahinahon niya itong sinasagot, ilang araw niyang inako ang problema sa sobrang trapik na pansamantalang napunta sa kanya ang atensiyon.

Dito natin makikita ang kababaang-loob ni Panelo kahit sa maliit niyang paraan ay nais mag-ambag para maibsan ang pagdurusa natin sa sobrang trapik kesa ngawa nang ngawa, pero wala namang ginagawa.

Isipin n’yo dahil sa ginawa niya, nagsanga-sanga ang mga opinyon at kung noon ay puro DOTr at MMDA lang ang sinisisi ngayon, halos buong linggo, sinalo lahat ni Panelo ang hindi naman makatutulong na komento.

Dahil sa ginawa niya, tila lahat ay kaya na niyang gawin para sa bayan basta makatulong lang anuman ang maging resulta at dito natin siya inirespeto nang husto dahil may ginawa.

Kaya habang inihahanda ng pamahalaan sa pangunguna ni DOTr Sec. Arthur Tugade kung paano mareresolba ang problema sa trapiko, makabubuting tumulong tayo kahit kaunti kesa mambatikos.

Sa panahong ito, ‘yung pagsunod lang sa batas-trapiko at pagtawid sa tamang tawiran ay malaking tulong na kesa bumatikos nang walang naiaambag para gumaan ang problema.

Kaya kay Panelo, saludo ako sa inyo.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page