Mga dalang produkto na may karne at prutas, walang permit.. 6 Singaporeans, huli

Nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang 96 kilos na grapes at passion fruits mula sa anim na pasahero na lulan ng private plane mula Singapore.
Ayon sa BOC, kasamang nakumpiska ang 65.7 kilos ng pagkain na may sangkap na karne tulad ng siomai, siopao at rice toppings.
Ang mga Singaporean ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Linggo ng gabi kung saan dumaan ang mga pasahero at kanilang bagahe sa routine inspection.
Wala silang maipakitang permit bilang patunay na malinis at hindi kontaminado ang mga halong karne at prutas na nakasilid sa styrofoam.
Walang nagawa ang mga pasahero nang sabihin sa kanila na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng pagkaing may halong karne at mga prutas na walang permiso mula sa Bureau of Animal Industry (BAI).
Nasa kustodiya na ng BAI ang naturang mga produkto.
Ayon kay Nilo Crystal, quarantine veterinary inspector ng BAI sa NAIA, ang anim na Singaporeans ay pumunta ng Pilipinas sakay ng private plane upang maglaro sa casino sa Pasay City.





Comments