Bongbong vs. Leni.. Initial vs recount, ilabas — SC

Bigo pa rin ang Supreme Court (SC) na umaaktong Presidential Electoral Tribunal (PET) na mapagbotohan ang merito ng electoral protest case ni dating Senador “Bongbong” Marcos laban kay Vice-President Leni Robredo.
Sa halip, ipinag-utos ng SC ang pag-release sa mga partido nina Marcos at Robredo ng committee report tungkol sa inisyal na resulta ng recount sa tatlong pilot provinces sa protesta — Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Kasabay nito, inatasan ng PET sina Robredo at Marcos na maghain ng komento tungkol sa nasabing recount report sa loob ng 20 araw.
Pinagsusumite rin ng PET ang dalawang partido ng posisyon o memoranda sa mga isyung may kinalaman sa hurisdiksiyon at iba pang usapin kaugnay sa third cause of action ni Marcos.
Ang third cause of action ni Marcos ay tumutukoy sa kanyang hiling na mapawalambisa ang resulta ng eleksiyon sa pagka-bise-presidente noong 2016 sa Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur dahil sa umano’y nangyaring panggigipit sa mga botante at pre-shading ng mga balota.
Dalawampung araw ang ibinigay ng PET sa magkabilang panig para sa pagsusumite ng memoranda.
Tumutol naman sa nasabing resolusyon ang dalawang Mahistrado kabilang si Associate Justice Benjamin Caguioa na member-in-charge sa poll protest.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Brian Hosaka, Supreme Court PIO Chief, na dahil wala pang desisyon sa merito, status quo muna ang electoral protest.
Ibig sabihin, nananatili pa ring nakabimbin ang poll protest dahil wala pang desisyon ang PET sa second cause of action at third cause of action ni Marcos.
Ang second cause of action ng protesta ni Marcos ay may kinalaman sa recount sa dalawampu’t limang lalawigan at limang highly urbanized cities.
Kapwa naman dismayado ang panig ng mga tagasuporta nina Robredo at Marcos sa naantala na namang desisyon ng PET sa merito ng poll protest.





Comments