Best-of-three ng NAASCU basketball ngayon na!
- A. Servinio
- Oct 16, 2019
- 2 min read

Gaganapin ngayong araw ang unang laro ng mga seryeng best of three para sa tatlong kampeonato ng Basketball sa 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa Caloocan Sports Complex. Tampok dito ang muling pagkikita ng dalawang paaralan na naglaban noong nakaraang taon para sa korona, ang defending champion St. Clare College of Caloocan at Enderun Colleges sa 12:30 ng tanghali.
Nakapasok ang Saints sa bisa ng kanilang 73-63 na panalo sa Philippine Merchant Marine School noong Sabado sa Jesus Christ Saves Global Outreach. Hawak ng Mariners ang laban pagkalipas ng tatlong quarter, 45-40, subalit uminit sa huling quarter para sa 19 ng kanyang 22 puntos si Jan Dominic Formento.
Sa kabilang dako, gumawa ng 29 puntos si Michael dela Cruz upang buhatin ang Titans kontra sa Saint Francis of Assisi College, 77-73. Sinayang ng Enderun ang kanilang 65-52 na kalamangan sa huling quarter at naging tatlo na lang ito papasok ng huling minuto, 76-73, subalit nanaig ang kanilang depensa at wakasan ang torneo para sa Doves.
Hinahanap ng St. Clare ang kanilang ika-apat na sunod na tropeo at ika-lima sa kasaysayan ng paaralan buhat pa noong 2012. Ang pagwalis sa kanila ng Saints noong nakaraang taon ang nagsilbing inspirasyon para sa Enderun na bumawi ngayong taon at tikman ang kanilang unang kampeonato.
Kung ang Titans ay naghahanap pa rin, sisikapin namang pahabain lalo ng Lady Titans ang kanilang tatlong taong pag-reyna sa Women’s Division laban sa bagong kalarong Our Lady of Fatima Lady Phoenix sa 2:00 ng hapon. Mabigat na paborito ang walang talong Enderun sa Lady Phoenix na nakapasok sa kampeonato sa unang pagkakataon.
Bubuksan ang araw ng aksiyon sa Juniors Division kung saan sasabak ang defending champion St. Clare Junior Saints sa Arandia College Rhinos sa 10:30 ng umaga. Noong semifinals, tinalo ng St. Clare ang Our Lady of Fatima habang ginulat ng Rhinos ang Philippine Christian University. Ang pangalawang laro ng mga serye ay lilipat sa JCSGO sa Biyernes. Mga laro ngayong Miyerkoles – Caloocan Sports Complex: 10:30 Arandia vs. St. Clare (Jrs) 12:30 Enderun vs. St. Clare (Srs); 2:00 Enderun vs. Our Lady of Fatima (W)





Comments