Sangkot sa ninja cops.. PNP Chief Albayalde nag-resign
- Jeff Tumbado
- Oct 15, 2019
- 2 min read

Naghain na kahapon ng non-duty status si PNP Chief General Oscar Albayalde bilang pinuno ng Pambansang Pulisya.
Dapat sana ay sa Oktubre 29 iiral ang pananatili sa posisyon ni Albayalde kung saan mangyayari ang turnover ceremony ng bagong PNP chief pero, nagdesisyon umano na mas paagahin ito.
Gayunman, una nang nilinaw ni Albayalde na miyembro pa rin siya ng PNP hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa Nobyembre 8, 2019.
Inanunsiyo ni Albayalde ang pag-iral ng kanyang non-duty status sa flag raising ceremony sa Camp Crame, kahapon ng umaga.
Naging kontrobersiyal si Albayalde matapos akusahang protektor ng tinaguriang “ninja cops” na pinamumunuan ni Police Major Rodney Baloyo, na noon ay hepe ng Provincial Intelligence Branch.
Si Albayalde ay direktor noon ng Pampanga Provincial Police Office (PPPO) nang sumambulat ang kontrobersiya ng pagre-recycle ng mga nakukumpiskang milyun-milyong pisong halaga ng shabu ng kanyang mga tauhan noong 2013 at pag-switch ng nahuling drug lord na si Johnson Lee at ipinalit ang isang Taiwanese national sa ginawang drug raid sa Mexico, Pampanga.
Ang naturang kontrobersiya ay ibinunyag sa Senate hearing sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng noon ay CIDG Director General at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Kasabay nito, mabilis na idinaos ang turnover ceremony o paglilipat ng kapangyarihan mula kay Albayalde sa kanyang second in command na si Police Lt. General Archie Gamboa, bilang officer-in-charge ng Pambansang Pulisya, kahapon.
Pinangunahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año ang seremonya na hindi na ipina-cover sa media. Matapos ang naturang seremonya, mabilis na umalis ng DILG office si Albayalde at hindi na nagbigay pa ng anumang pahayag.
Sa kabila nito ay nagbigay naman ng sariling mensahe si Gamboa na itinuturing na kauna- unahang press conference nito bilang OIC ng PNP.
Pahayag ni Gamboa, hinihimok nito ang lahat na gawin lamang ang kanilang pang-araw-araw na gampanin at huwag hayaang maapektuhan ang PNP ng mga kontrobersiya.
Sinabi ni Gamboa na magiging madali lamang din para sa kanila ni Albayalde ang transition. Naging chief-of-staff umano siya ni Albayalde kaya hindi na rin siya mahihirapan sa trabaho bilang OIC.





Comments