Online sellers na nagbebenta ng pekeng produkto, humanda na kayo!
- Ryan B. Sison
- Oct 13, 2019
- 2 min read

Simula na naman ang kaliwa’t kanang shopping kaya siguradong nagkalat na naman ang mga pekeng produkto na ibinebenta.
Kaugnay nito, mas paiigtingin pa ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kampanya laban sa mga nagbebenta ng pekeng gamit.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, nakipag-ugnayan na ito sa mga mambabatas para gumawa ng batas nang sa gayun ay mapanagot ang mga nagbebenta ng pekeng gamit, online man o offline.
Ito ay kasunod sa pagsulpot ng mga online sellers at pagdami ng mga nagrereklamo na peke ang kanilang nabili.
Gayundin, mahigpit na binabantayan ang mga nagbebenta ng counterfeit items.
Samantala, patunay dito ang aabot sa P13.73 billion na mga nakumpiskang pekeng produkto mula Enero hanggang Hulyo 2019 kung saan kinabibilangan ito ng sigarilyo, personal care items, mga bag at sapatos.
Sa panahon ngayon, napakadali na lang maloko, lalo na sa online dahil sa paggamit ng magagandang litrato at konting salestalk lang, mapaniniwala na ang mga kostumer na orihinal ang produktong ibinebenta nila.
Meron namang idinaraan sa galing mag-salestalk ang mga kostumer kaya kahit walang balak bumili ay napapabili ang mga ito.
Ang masaklap pa, binili sa presyong orihinal pero ang ending, peke pala. Tsk! Paalala rin sa mga kostumer, maging mapanuri sa mga produktong bibilhin.
At kung gustong makasigurado, dumiretso sa mga legit na tindahan at doon mamili.
Meron ding mga nagbebenta ng Class A o replica kuno pero peke talaga kaya paalala sa mga mamimili, kapag masyadong mura ang presyo na halos hindi na makatotohanan, magdalawang-isip na kayo dahil baka sa halip na makatipid, magdoble-gastos lang kayo.
Para naman sa mga patuloy na nagbebenta ng pekeng produkto, mahiya naman kayo! Hindi pinupulot ang pera na ipinambibili ng mga kostumer kaya sana, maging tapat kayo sa kanila.
Wala pa mang batas na magpaparusa sa mga manlolokong seller, magsilbi sana itong babala para tumigil na sa ganitong gawain.
At panawagan sa mga awtoridad, pagpaparusa sa mga nagbebenta ng pekeng gamit, seryosohin!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments