top of page
Pokwang.jpg

ASF, pigilang kumalat kesa pagkakitaan pa

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 13, 2019
2 min read

Patuloy ang paglaganap ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Isa sa pinakahuling naitala ang sa Pampanga kung saan isinailalim sa culling o pagpili ang 3,000 baboy sa bayan ng San Simon matapos makumpirmang positibo sa ASF.

Isinagawa ito sa pangunguna ng mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang lokal na pamahalaan.

Agad na ibinaon sa lupain na pag-aari ng gobyerno ang nasabing mga baboy.

Sa pagtaya ng lokal na pamahalaan, nasa 70 ang mga hog raiser sa San Simon na karamihan ay nasa Bgy. Concepcion at San Pedro.

Kasunod nito, tiniyak na makatatanggap ng tulong mula sa pama­halaan ang mga naapektuhang hog raisers.

Kaugnay pa rin ng ASF, kilu-kilong pork products naman ang kinumpiska sa ilang pantalan at airport sa Negros Oriental. Ito ay bilang bahagi ng kampanya laban sa ASF sa Visayas at Mindanao.

Kabilang sa mga nasabat ay limang kilo ng karne ng baboy na galing ng Cebu na naharang sa Tangil Seaport sa Guihulngan City at ang 100 piraso ng siopao mula sa isang pasahero na galing ng Maynila na nakumpiska naman sa Dumaguete-Sibulan Airport. Nauna nang nahuli ng quarantine inspector ang icebox na naglalaman ng siomai at lumpia na pag-aari ng pasahero na galing ng Maynila.

Kaugnay nito, panawagan sa publiko, iwasan na ang pagdadala ng mga pork products mula sa Maynila at alinmang parte ng Luzon nang walang kaukulang permit mula sa Food and Drug Adminis­tration (FDA).

Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang komosyon at abala. Pasen­siya at pakikipagtulungan ang kailangan hanggang sa malampasan natin ang problemang ito.

Samantala, umaasa tayo sa gobyerno na talagang matutulungan ang mga hog raiser na apektado alang-alang na rin sa kanilang pamilya na sa pag-aalaga lang ng baboy umaasa.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page