3 buwan lang.. LRT-2, balik-normal na

Posibleng maibalik sa normal ang operasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa loob ng 2 hanggang 3 buwan lamang.
Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Spokesperson Hernando Cabrera, ito ay batay sa pinakahuling usapan nila ng mga opisyal ng kanilang engineering department.
Sa unang pagtaya ng LRTA, posibleng abutin ng siyam na buwan ang gagawing pagkukumpuni sa nasirang power rectifier ng LRT-2.
Paliwanag ng LRTA official, pinag-aaralan na umano nila ngayon ang posibilidad na palitan na lamang ang napinsalang bahagi, sa halip na palitan ang buong power rectifier.
Gayunman, depende pa rin aniya ito sa magiging resulta ng isinasagawa nilang assessment hinggil sa naganap na pinsala ng kanilang pasilidad.
Matatandaang, may limang araw na natigil ang operasyon ng linya ng LRT-2 matapos masunog ang kanilang rectifier substation, na nasa pagitan ng Anonas at Katipunan Stations, na nagresulta sa kakulangan ng suplay ng kuryente.
Sa ngayon, partial lamang ang operasyon ng LRT-2 mula Cubao Station hanggang Recto Station lamang habang nananatili namang wala pang biyahe mula Anonas hanggang Santolan Stations dahil sa bagsak na signaling system at power supply.
Isinaisantabi na ng LRTA ang anggulong arson o terorismo ang sanhi ng sunog at sinabing posibleng tinamaan ng kidlat ang rectifier na nagresulta sa pagsiklab ng apoy doon.
Ang LRT-2 ang nagdurugtong sa Recto, Manila at Santolan, Pasig City.





Comments