top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Work from home na solusyon sa trapik, karirin na!

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 12, 2019
2 min read

Matapos kumasa sa ‘commute challenge’, aminado si Presidential Spokesman Salvador Panelo na nahirapan siya at hamon talaga ang pagsakay sa pampublikong transportasyon.

Gayunman, iginiit pa rin ng kalihim na walang krisis sa transportasyon at muling ipinayo ang pag-alis nang maaga para dumating sa destinasyon nang maaga.

Nabatid na inabot nang halos apat na oras si Panelo sa kanyang biyahe. Umalis siya ng kanyang bahay nang 5:15 ng madaling-araw at dumating sa Malacañang nang 8:45 ng umaga.

Apat na beses na lumipat ng masasakyang jeep ang kalihim bago ito sumakay ng motorsiklo papasok ng Malacañang Compound. Hindi ito sumakay ng LRT-2 na unang plano at nagpalipat-lipat na lang ng jeep dahil nasundan na siya ng media.

Samantala, maaaring dahil sa kanyang naging karanasan sa nasabing hamon, sa press briefing kahapon ay sinabi ni Panelo na makatutulong sa pagpapaluwag ng trapik sa Metro Manila ang istriktong implementasyon ng ‘Telecommuting Act’ o ‘Work from Home’ Law.

Nariyan na nga naman ang batas, dapat na itong tutukan at ipatupad.

Matatandaang, noong Disyembre 20, 2018, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Telecommuting Act na layong kilalanin ang paggamit ng teknolohiya bilang isa sa working arrangements, lalo na ng mga nasa pribadong sektor.

Kahit sa bahay magtrabaho, ang mga empleyado na gumagamit ng ‘telecommunications’ ay makatatanggap pa rin ng kaparehong prebilehiyo ng mga nasa lehitimong opisina.

‘Yung apat na oras na nasa biyahe, halos kalahating araw na sana natin sa trabaho at marami na tayong nagawa. Idagdag pa natin ‘yung pauwi.

Madaling sabihin na umalis nang maaga, pero paano kung halos hatinggabi ka na nakauuwi? Hindi naman lahat ng umuuwi galing sa trabaho ay kakain, matutulog, gigising, kakain at papasok lang. ‘Yung iba o karamihan ay uuwi, magluluto, mag-aasikaso ng anak at tatlong oras lang matutulog para maagang makagising at makapagluto, maasikaso ang anak na papasok, maglilinis kaunti o baka pag-uwi na lang saka makikipagdigmaan na naman sa matinding trapik.

Lima o anim na araw ay ganito ang routine at ito ‘yung totoong challenge.

Araw-araw mong ginagawa hindi para masabing alam mong may problema sa trapik o transportasyon kundi dahil kailangan.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page