Panelo, pahiya sa hirit na walang transport crisis, na-late dahil sa trapik
BAD ANG EPEKTO NG PAGKALTAS NG TROPA NI SPEAKER CAYETANO SA BADYET NG DOH—Masama ang epekto ng pagkaltas ng tropa ni Speaker Alan Peter Cayetano ng P16.6 bilyon sa badyet ng Department of Health (DOH) dahil bukod sa kakapusin na ang pondong pambakuna sa mga bata, maoobliga pa ang DOH na tanggalin sa trabaho ang libu-libong health workers dahil wala nang badyet na pampasuweldo sa kanila.
R’yan makikita na ang tropa ni Speaker Cayetano ay wala nang pakialam sa kalusugan ng mga bata, wala pang pakialam kung maging jobless ang libu-libong health workers, mga buwisit!
◘◘◘
EBIDENSIYA VS. PNP CHIEF, SABI NINA SEN. GORDON AT SEN. DRILON MALAKAS, PERO AYON KAY SEN. LACSON, HINDI!—Kinontra ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang sinabi nina Sen. Richard Gordon at Sen. Franklin Drilon na malakas daw ang mga ebidensiyang sangkot sa ilegal na droga si PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, dahil ayon sa kanya, base sa ginawa niyang pagsusuri sa salaysay ng mga resource persons sa Senate hearing, walang direktang ebidensiya na sangkot ang PNP chief sa raket ng “Ninja Cops.”
Mabuti pa si Sen. Lacson, kahit hindi abogado, alam na “hearsay” lang ang mga atake kay Gen. Albayalde kumpara kina Sen. Gordon at Sen. Drilon na naturingang mga abogado, ang ebidensiyang gustong gamitin laban sa PNP chief ay ang itsinitsismis ng mga retired generals, boom!
◘◘◘
PAG-ACCEPT NI PANELO SA ‘COMMUTE CHALLENGE’, SABLAY—Tinanggap ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang “commute challenge” para patunayang walang transport crisis sa Metro Manila, pero ang siste, nang isagawa na ang “commute challenge” na nag-umpisa nang alas-5:15 ng madaling-araw mula Marikina City hanggang Maynila, inabot siya ng halos apat na oras sa biyahe at late siyang nakapasok kasi 8:47 ng umaga na siya nakarating sa Malacañang imbes na alas-8:00 ng umaga.
Ibig sabihin, sablay ang pag-accept ni Panelo sa ‘commute challenge’ kasi pati siya ay nadale ng ‘transport crisis’ sa Metro Manila, he-he-he!
◘◘◘
SANDRA CAM AT SEN. DE LIMA, BAKA MAGSAMA SA SELDA?—Nasasangkot si PCSO Board Member Sandra Cam sa pagpatay sa kalaban niya sa pulitika na si Batuan, Masbate Vice-Mayor Charlie Yuson III sa Sampaloc, Manila.
Naku, kapag naging guilty si Sandra sa krimeng ito, malamang, magsama sila sa kulungan ng mortal niyang kaaway na si Sen. Leila de Lima, boom!





Comments