Spa na sex den, buking!
- Madel Moratillo
- Oct 11, 2019
- 1 min read

Sinalakay ng mga awtoridad sa pangunguna ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang isang massage spa, na hinihinalang ginagamit na front ng prostitusyon sa San Juan City, kahapon.
Nasagip ang apat na babae sa ginawang raid sa Michiko Spa, na matatagpuan sa Santolan Road malapit sa Ortigas Avenue, pasado alas-2:00 ng hapon.
Una rito, nakatanggap umano ng sumbong ang munisipyo na nag-aalok ng ‘extra service’ ang mga masahista sa nasabing spa kaya agad itong sinalakay.
Wala naman ang may-ari na nakilala lang na si Felipe Tamang, nang mangyari ang operasyon at agad ding nag-alisan ang mga trabahador nito.
Mahaharap sa patung-patong na kaso, tulad ng human trafficking si Tamang habang ipinasara na rin ni Zamora ang establisimyento matapos matuklasang nag-o-operate ito kahit walang mayor’s permit.
Ayon kay San Juan City Police Chief P/Col. Jaime Santos, kukunan nila ng sinumpaang-salaysay ang apat na babae na kanilang nasagip upang magamit sa isasampang kaso.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Zamora ang regular na pag-inspeksiyon ng mga pulis sa mga ganitong uri ng negosyo.





Comments