Petecio, swak na sa AIBA Q’finals at gigil sa semis

Patuloy ang pagratsada ni Southeast Asian Games medalist Nesthy Petecio ng makapasok ito sa quarterfinal round at nag-aasam na makapasok patungong semifinals, Huwebes ng gabi sa pagpapatuloy ng mga laban sa 2019 Women’s Boxing Championships, Martes ng hapon, sa Ulan-Ude, Russia. Sumandal ang 27-anyos na tubong-Santa Cruz, Davao del Sur sa panalo nang malampasan si Chinese fighter Qiao Jieru sa round-of-16 ng preliminary rounds sa iskor na 3-2. Ibinigay nina judges Choi Ri ng People’s Republic of Korea ang 30-27, Paola Falorini ng Italy ang 29-28 at Terezie Krejbychova ng Czech Republic ang 30-27, habang ang 2 judges na sina Ben McGarrigle ng Ireland at Ishanguly Meretnyyazov ng Turkmenistan ay may parehong 29-28 kay Qiao.
Dahil dito ay nakatakdang harapin ng dating 2014 Jeju City World Championships silver medalist si Japanese boxer Sena Ire na nagwagi sa sariling laban kay Leonela Sanchez ng Argentina sa iskor na 1-4 via 28:29, 29:28, 28:29, 27:30 at 28:29.
Sakaling magwagi ang 3x SEAG silver medalist ay makakatapat sa semifinal round ang magwawagi sa quarterfinal match up nina Kariss Artingstall ng England at ng 23-anyos na 2016 Rio Olympics campaigner Yodgoroy Mirzaeva ng Uzbekistan.
Magsisimula ang mga laban sa q’final round ng 6:30 p.m. sa lahat ng weight category simula light flyweight hanggang heavyweight division.
Samantala, habang isinusulat ito kahapon ay kasalukuyang sumasabak sa round-of-16 ng preliminary rounds si bantamweight Aira Villegas matapos makakuha ng bye sa first round laban kay Silpa Lau Ratu ng Indonesia. Sakaling manaig ay lalabanan nito ang magwawagi kina Huang Hsiao-Wen ng Chinese Taipei at Giordanni Sorrentino ng Italy ngayong Huwebes ng hapon.
Ang torneong nilahukan ng 256 boxers mula sa 73 bansa ay isang paghahanda ng Pinay pugs para sa 30th SEAG kung saan lalahukan ng 8 kalalakihang boksingero at 5 kababaihang boxers sa pamumuno ni World Champion Light flyweight Josie Gabuco at nina Petecio, Villegas, Magno at Lightweight Risa Pasuit.





Comments