top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga sundalo at pulis na inuna ang kapakanan ng bayan at kabataan, good job!

  • Kuya Win Gatchalian
  • Oct 10, 2019
  • 3 min read

Sa pagtatapos ng ating serye tungkol sa apat na magigiting na guro na kabilang sa 10 pinarangalang 2019 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos, atin namang kilalanin ang anim na kasundaluhan at kapulisan na nagpakita ng tapang, dedikasyon, integridad at matapat na paglilingkod sa publiko at buong bansa.

Malaking oportunidad ang naibigay sa atin bilang chairman ng Final Board of Judges upang makilala at mapakinggan ang bawat istorya ng buhay ng napiling 10 awardees.

Napansin natin ang iisang sakripisyo at adhikain ng bawat isa sa kanila para sa edukasyon, seguridad at kabuuang kapakanan ng kabataang mag-aaral at kanilang pamilya sa mga komunidad kung saan sila ay nakadestino.

Sari-saring pagsubok ng bawat indibidwal sa iba’t ibang sulok ng bansa ang patuloy na kinahaharap ng ating magigiting na mga tagapagpatupad ng batas. Lahat ng ito ay upang maiabot ang tulong, pagsagip, pagpapalaganap at pagpapaunlad ng kalagayan ng kabataan sa loob at labas ng paaralan.

Kulang ang isang kolum sa pagbahagi ng kanilang katangi-tanging dedikasyon sa paglilingkod ngunit, ating talakayin ang kuwento ng kanilang napagtagumpayan sa ngalan ng kapakanan at seguridad ng kabataang Pinoy.

Una sa listahan ng mga sundalo ay si Master Sergeant Ramil A. Caporas ng Philippine Army. Bilang team supervisor at technician ng Explosive Ordnance Disposal Battalion, pinamunuan niya ang grupo ng mga sundalo na nakapigil sa pagsabog ng bomba sa sasakyan na nakatanim sa isang paaralan sa Lamitan City, Basilan, na nagdiriwang ng Nutrition Month.

Dahil sa kanyang kadalubhasaan sa paghahawak ng improvised explosive devices, nagbigay-daan ito sa matagumpay na pagsasagawa ng mga imbestigasyon sa iba pang kaso ng pagsabog ng bomba.

Sumunod si Major Romulo G. Dimayuga II ng Philippine Navy-Marines. Bilang Operations and Training officer ng Force Reconnaissance Group, pinangunahan niya ang pag-alok sa mga rebelde ng pangalawang pagkakataon na talikuran ang kanilang karahasan at sa halip ay makipagkaisa sa mga kapwa nila Palaweño.

Kabilang na rito ang kabataang naligaw ng landas, kaya hangad niyang maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pakikipagsanib-puwersa ng kanyang mga tauhan sa mga lokal na residente ng Palawan.

Pangatlo, si Lieutenant Colonel John Paul D. Baldomar ng Philippine Army. Hindi parte sa kanyang tungkulin bilang chief ng Current Operations Branch, Internal Security Operations Division (ISOD) ngunit, nakipagtulungan siya sa lokal na pamahalaan ng Shariff Aguak, Maguindanao sa pagpapagawa ng mga klasrum, multipurpose hall at farm-to-market road.

Bukod dito, pinangunahan niya ang pangongolekta ng pondo upang suportahan ang mga batang pasyente sa V. Luna General Hospital, pinangasiwaan ang storytelling sa mga batang pasyente at namigay ng mga laruan at pangunahing pangangailangan sa ospital.

Sa kapulisan ay si Police Chief Master Sergeant Marsha T. Agustin RSW. Bilang investigator at social worker ng Women and Child Protection Center, ginagamit niya ang kanyang espesyalisasyon sa gawaing panlipunan upang matulungan ang mga kabataan at kababaihan na biktima ng human trafficking sa pamamagitan ng sarili niyang estilo na kilala kung tawaging “Social Worker-Police Investigative Technique in Handling Cases Involving Women and Children Victims.” Naniniwala siyang higit pa sa pagkuha ng impormasyon ang kanyang trabaho. Sa halip, mahalaga rin ang tunay na pagmamalasakit sa biktima upang marinig ang boses sa nangyaring insidente.

Pangalawa ay si Police Major Robert A. Reyes. Bilang Technical Support officer ng Counter Intelligence Task Force, nakikipag-ugnayan siya sa awtoridad ng Facebook at Instagram upang matulungan ang mga nabibiktima ng cybercrime o isang uri ng kriminalidad na ginagawa sa internet o social media.

Dahil sa aktibo niyang pangangampanya at pagpapalaganap ng mga materyal tungkol sa information, education and communications, naimpluwensiyahan niya ang kanyang mga kapwa pulis upang puksain ang mga pekeng social media account, lalo na sa kabataang nabibiktima nito.

At panghuli, walang iba kundi si Police Colonel Edwin A. Quilates. Bilang provincial director ng Batangas Police Provincial Office, Camp Miguel C. Malvar, pinamunuan niya ang Drug Abuse Resistance Education (DARE) Program.

Sa pamamagitan nito, napaaalalahanan ang kabataan na huwag magpapaimpluwensiya sa masasamang gawain ng iba at higit sa lahat, nagagabayan na huwag matutong gumamit ng ilegal na droga. Sa halip, sila ay maging aktibo sa iba’t ibang aktibidad tulad ng sports at pag-aaral.

Ilan sa resulta — tumataas ang kanilang kumpiyansa sa sarili at nagkakaroon ng magandang pakikipagkapwa-tao at pananaw sa buhay.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page