Inilaglag ng kapwa opisyal sa drug recycling.. Konti lang ang napunta sa akin — Albayalde
- Lourdes Abenales
- Oct 10, 2019
- 1 min read

“Konti lang naman ang napunta sa akin.” Ito umano ang sinabi ni dating Pampanga Provincial Police Office Director at ngayo’y Philippine National Police Chief Oscar Albayalde kay retired Gen. Rudy Lacadin.
Sa kanyang pagharap sa Senado, sinabi ni Lacadin na dati siyang deputy chief for operations ng Criminal Investigations and Detection Group (CIDG) sa Region 3 noong 2013.
Isang tawag umano ang kanyang natanggap mula kay Albayalde at tinanong nito kung totoo bang iniimbestigahan ang 13 tauhan ng Pampanga Police Office na sangkot sa drug raid sa Lakeshore Subdivision sa Mexico, Pampanga.
“There was a time that during the investigation, he called me up. ‘Sir, parang naimbestigahan n‘yo raw kami’,” ani Lacadin sa Senate hearing.
“‘Yes Oca, I cannot inform you na nagko-conduct ako ng investigation, but if you have nothing to hide wala naman kayong dapat katakutan,’” tugon umano ni Lacadin kay Albayalde.
Gayunman, nilinaw ni Lacadin na hindi niya alam kung seryoso o nagbibiro lamang si Albayalde.
Sumagot naman umano si Albayalde na, ‘Actually Sir, konti lang naman ang napunta sa akin’.
Agad namang pumalag si Albayalde sa pahayag ni Lacadin at sinabing pinagtutulungan siyang sirain ng mga dating opisyal ng CIDG na dati ring pinamumunuan ni dating Gen. Benjamin Magalong.
Binigyang-diin pa ni Albayalde na imposibleng gawin niya ang pagtawag kay Lacadin na kanyang senior official sa PNP noong mga panahong iyon.





Comments