Entertainers sa pelikula, teatro at live shows na parte ng history, isa-isa nang nawawala
Yumao na ang showbiz icon na si Amalia Fuentes.
Kakambal ng pangalan ni Amalia si Susan Roces.
Sila ang unang magkaribal na nagpaangat sa Pelikulang Pilipino!
◘◘◘
NAALALA ko pa na namimili ang aking Inang Talia ng longganisa sa Balagtas Public Market.
Itinatanong muna ng tindera, “Ano ang gusto ninyo: Amalia o Susan?”
Ang “Amalia” ay maalat ang lasa, samantalang, ang “Susan” ay “matamis”!
◘◘◘
MATAPOS ang “Amalia-Susan”, nasundan ito ng ikalawang karibalan sa showbiz industry.
Ito ay napalitan ng “rival” nina Nora at Vilma!
◘◘◘
KAPAG bumibili kami ng kumpitis (kornik), itinatanong din na, “Ano ang gusto mo, hijo, Nora o Vilma?”
Ang “Nora” ay matamis at ang “Vilma” naman ang maalat na lasa!
◘◘◘
SA ngayon, wala pang lumilitaw na matitinding karibalan sa showbiz.
Ibig sabihin, ang kadakilaan nina Amalia, Susan, Nora at Vilma ay hindi pa napapantayan!
◘◘◘
NAMAALAM din ang haligi ng teatro na si Tony Mabesa.
Ang teatro na tinutukoy natin ay ang tradisyunal na “theater act”.
Aktuwal na palabas ito sa ibabaw ng entablado.
Kumbaga, “live show” na ang puwedeng gumanap lamang ay bihasang “artista sa entablado”!
◘◘◘
PRAKTIS ang kailangan ng mga “artista” sa entablado dahil hindi puwede rito ang “inuulit” o “take 1, take 2, take 3” tulad sa modernong pelikula.
Mas mahusay ang mga artista sa entablado kaysa sa pelikula.
Siyempre, mas mahusay ang direktor sa teatro kaysa sa pelikula na siyang larangan ni Mabesa!
◘◘◘
WALANG gaanong kita o income sa teatro dahil limitado ang audience sa kapirasong hall.
Ang modernong pelikula ay puwedeng ipalabas at panoorin nang “unlimited time” at sa unlimited spaces o venue!
◘◘◘
LINGID sa kaalaman ng marami, may isa pang popular na teatro na pangmasa.
Ito ay ang mga “live show” sa mga piyesta.
Ito ay sumikat noong panahon ng “Dalton Five Star Productions” na producer at nangangapital upang makarating ang mga artista sa mga lalawigan!
◘◘◘
ANG “Ama ng popular na teatro sa mga fiesta” ay si dating Konsehal Lorenzo “Dalton” de Castro na tubong Longos, Balagtas, Bulacan.
Siya ang nagdadala ng mga artista na nakabase sa Maynila sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao!
◘◘◘
NAKALULUNGKOT isiping wala nang nakaaalala kay “Tata Dal” — isa sa comedy trio na “Tres Guapos”.
Huling telenobela ni Tata Dal ay kasama si Mel Francisco sa telebisyon na “Gulong ng Palad”!
◘◘◘
NOONG Martial Law at sa katindihan ng giyera sa Mindanao, nagtanghal ang “Dalton Five Star Productions” sa iba’t ibang military camps sa Mindanao.
Ito ay upang aliwin para hindi maburyong ang mga sundalo na nagbubuwis ng buhay laban sa mga sesyonista!





Comments