top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Prof. Eva Maria Cutiongco-de la Paz ng UP, inspirasyon ng mga bagong doktor sa larangan ng clinical

Kuya Win Gatchalian
Oct 8, 2019
2 min read

Ang panghuli sa apat na guro na kabilang sa 2019 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos ay si Professor Eva Maria Cutiongco-de la Paz.

Si Dra. Eva, Professor 10 mula sa College of Medicine ng University of the Philippines (UP) Manila, ang isa sa mga nag-umpisa ng umu­usbong na espesyalidad sa industriya ng me­disina — ang clinical genetics at genomic me­dicine sa Pilipinas.

Ayon sa kanya, ang genetics ay kritikal na larangan dahil tinutugunan nito ang mga es­pesyal na pangangailangan ng mga pasyente at pamilya na hindi maibibigay ng anumang kasalukuyang medical specialty.

Ngayon, parte si Dra. Eva ng grupo ng mga ekspertong pang-internasyunal na dalubhasa sa pag-aaral ng X-Linked Dystonia Parkin­sonism o XDP.

Lingid sa kaalaman ng ilan sa atin, ang nasa­bing kondisyon ay kalagayan sa utak na nara­ranasan ng karamihan, partikular ng kalalakihan mula sa Panay Group of Islands.

Sa ating pakikipanayam sa kanya, namulat tayo sa kahalagahan ng paghahanap ng lunas o gamot sa mga pasyenteng nakararanas ng matitinding sakit at karamdaman.

Sa loob ng 22 taong pagtuturo niya ng ge­netics at pediatrics, isa sa kanyang itinaguyod kasama ang kapwa niya doktor na si Dra. Car­mencita Padilla, ay ang Clinical Genetics Fel­lowship Program.

Sa kauna-unahan at nag-iisang uri ng pag­tuturo at pagsasanay sa genomics bilang subs­pecialty ng genetics ay hinahasa ang mga ba­gong doktor sa pag-aaral, pagsusuri, panga­ngasiwa at counseling sessions para sa mga pasyenteng may pangkaraniwan o malalang kondisyon sa kanilang genes.

Dahil dito, labis na natuto ang Clinical Geneticists mula sa UP at iba pang unibersidad, habang ang iba naman ay bumalik sa kani-kanyang probinsiya upang dalhin at buksan ang serbisyo sa malalayong lugar ng ating bansa.

Bago naumpisahan ang ganitong inisya­tibo, isa si Dra. Eva sa dalawa lamang na geneticists na nagsisilbi sa buong populasyon ng bansa.

Ngayon,16 na ang geneticists na nagsisilbi sa 106 milyong Pinoy nang dahil hindi lamang sa kanyang galing at talino kundi sa kanyang kahanga-hangang dedikasyon at patuloy na pagsasanay sa mga doktor at mananaliksik tungkol sa papel ng genetics sa mga sakit at ating kalusugan.

Sa kabila ng dami ng pinagkakaabalahan bilang propesor, doktor, mananaliksik at taga­pagtaguyod ng edukasyon sa mga komunidad, patuloy na ipinalalaganap ni Dra. Eva ang edu­kasyon at konsultasyon tungkol sa genetics sa mga pasyente at kanilang pamilya.

Ipinaliliwanag niya nang maigi kung paano naipapasa mula sa isang henerasyon tungo sa isa pang henerasyon at tumutulong makahanap ng mga mekanismo upang malabanan ang anu­mang kondisyong kanilang kinahaharap.

Hindi maikakaila, nagsisilbing inspirasyon at magandang ehemplo si Dra. Eva sa kabataang Pinoy, lalo na sa mga nangangarap kumuha ng kursong medisina at maging tanyag na doktor ng ating Republika.

Congratulations pong muli, Dra. Eva Maria Cutiongco-de la Paz, tinaguriang Philippines’ Prime Mover of Genomic Medicine and Edu­cation!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page