top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Lifesavers, susubukin ang SLR; Baron at Macandili, bida sa AGP

MC / Gerard Arce
Oct 8, 2019
2 min read

Balak muli ng Generika-Ayala na makapanalo kontra Sta. Lucia sa Philippine Superliga Invitational Conference ngayon sa Bacoor Strike gym, Bacoor City.

Ang game time ay 6 p.m. kung saan target ng Lifesavers na makabawi mula sa pagkatalo sa F2 Logistics bago nag-break ang prestihiyosong women’s club tourney noong Okt. 1 upang bigyang daan ang laro ng Asean Grand Prix, ang torneo na nagsisilbing test event ng 30th Southeast Asian Games.

Nakuha ng Pinay ang bronze medal kung saan sina Majoy Baron at Dawn Macandili ng F2 Logistics ang itinanghal na Best Blocker at Best Libero.

Ang 23-anyos na si Baron ay pinarangalan bilang Most Valuable Player ng 79th Season ng UAAP habang ang 5-footer naman na si Macandili ay naging kauna-unahang Libero na biniyayaan ng MVP award sa 2016 Superliga.

Kumulekta si Baron ng kabuuang 7 blocks sa tatlong laro sa Asean Grand Prix habang nag-average si Macandili ng mahigit 16 excellent digs o kabuuang 49 excellent digs sa parehong game. ”masaya po kami sa natanggap naming award. Iba kase ‘yung nakikilala iyong mga paghihirap mo sa court. Of course it needs a lot of effort lalo na depensa po ang aming forte,” wika ni Baron.

Ang ibang nagsipagwagi ng individual awards ay sina Pleumjit Thinkaow bilang Most Valuable Player at Pimpichaya Kokram (Best Spiker) ng champion na Thailand habang sina Tri Retno Mutiara at Ratri Wulandari ang itinanghal na Best Setter at Best Server para sa runner-up na Indonesia. Bibigay-todo sina Baron at Macandili sa laban ng Cargo Movers kontra Foton ng 4 p.m. kasunod ng bakbakan ng Cignal at Marinerang Pilipina ng 2 p.m.

Hawak ang 1-2 win-loss cards, nasa 3rd spot ang Lifesavers ng Group B at gigil na magwagi para sa tsansang umabanse sa next round. Pero ang Lady Realtors ay may pareho ring pakay dahil nais nilang makaresbak mula sa magkasunod na pagkatalo sa PLDT Home Fibr at Cignal.

Alam ni Generika-Ayala head coach Sherwin Meneses ang pakay nila at naroon na sila sa gipit na sitwasyon pagpasok sa krusyal na laban ng torneo. “every game is important so we must make the most out of every opportunity to take the win,” ayon kay Meneses, na mainit ang naging simula ng laro ng kanyang bataan bago tumamlay sa semifinal ng All-Filipino Conference ng nakaraang dalawang buwan. “we are currently tied with Sta. Lucia and we need this win to boost our chances.”

Obligadong bitbitin ang laban para sa Lifesavers nina Ria Meneses, Fiola Ceballos, Patty Jane Orendain at Kat Arado, na pawang mga impresibo ang performance sa Asean Grand Prix. Babanat sila kontra sa mga beterano ng Sta. Lucia na sina Amanda Villanueva, Pam Lastimosa at Amy Ahomiro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page