Kabit, todo-asang iiwanan ng labs ang pamilya para sa kanya, gusto lang naman dahil bata at sariwa
Dear Maestro,
May problema ako ngayon sa love life at may mga katanungan ako sa buhay.
Paano malalaman kung mahal ka ng taong may pamilya na? Posible bang ako ang piliin niya kesa sa tunay niyang asawa? February 2, 1994 ang birthday ko at December 1, 1974 naman ang birthday ng lalaking nabanggit ko.
Umaasa,
Ms. Aquarius ng Mangga, Candaba, Pampanga
Dear Ms. Aquarius,
Sa ating kultura, hindi ka maaaring mahalin nang lubos ng lalaking may pamilya na, lalo na kung hindi niya kayang iwanan ang kanyang pamilya para sa iyo. Kumbaga sa mga itinatanong ng iba, “mahahati ba ang puso?” Ang oras at panahon ay maaaring hatiin, pero ang puso ng lalaking nagmamahal ay bukod-tanging nakalaan sa babaeng minamahal niya.
Sa madaling salita, para malaman mo kung mahal ka ng lalaking may asawa na, itanong mo ang mga ito sa iyong sarili:
Mas marami ba siyang iginugugol na oras sa iyo kaysa sa tunay niyang asawa?
Pinagpapasensiyahan ka ba niya? ‘Yung kahit may mga pagkakamali ka, inuunawa ka ba niya upang hindi kayo magkagalit?
Kung talagang mas mahal ka ng lalaking may asawa na, dapat mas malaki ang intrega niya sa iyo kesa sa kanyang misis.
Sa mga tanong na nabanggit, maaaring masagot ang tanong mo kung mahal ka niya, pero dapat mo ring alalahanin ang katotohanan na ang karamihan sa mga lalaki ay higit na tumitingin sa panlabas na kagandahan kesa sa ibang bagay pagdating na sa pambababae.
Isaalang-alang mo rin ang tanong na, “baka kaya ka lang mahal na mahal ng lalaking may asawa na ay dahil maganda at sariwa o bata ka pa kung ikukumpara sa kanyang asawa?” Kung oo ang sagot, ibig sabihin, ang pagmamahal niya sa iyo ay magiging panandalian lamang.
Maaaring kapag tumanda ka na at nag-iba na ang iyong pisikal na hitsura, tulad ng misis ng lalaking kinakasama mo, may posibilidad na iwanan ka rin niya para maghanap siya ng mas bata sa iyo at mas maganda. Madali siyang makahahanap dahil may mga babae na tumitingin lang sa materyal na pakinabang.
Samantala, ang pinakamaganda mong magagawa ngayon ay ganito, bago mahuli ang lahat, bago mo tuluyang masira ang maayos mong buhay dahil sa maling pag-ibig, iwasan mo ang nasabing lalaking may asawa at pamilya na. Sa ganitong paraan, hindi ka magkakasala at magiging dahilan upang masira ang matino at maayos na pamilya.
Tandaan na sa sandaling umibig kang muli, siguraduhin mong ito ay mabuti at tama. Sa ganitong paraan, sa matuwid na pag-ibig at walang bahid ng pagkakasala, makakamit mo ang masarap, mas maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya, ayon sa iyong Love Calendar na nakatakdang mangyari sa taong 2021 sa edad mong 27 pataas, hatid ng binatang lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Gemini.




Comments