UST, overall champion sa UAAP Beach Volleyball

Napanatili pareho ng University of Santo Tomas men at women ang titulo sa 82nd Season ng UAAP Beach Volleyball nang tapusin nila ang kani-kanilang asignatura sa pamamagitan ng magkasunod na sweep kahapon ng umaga sa Mall of Asia Arena Sands at SM by the Bay sa Pasay City.
Kinumpleto ng tambalang Jaron Requinton at Rancel Varga ang kampanya nito sa 10-0 sweep matapos tagpasin ang pares nina Jude Garcia at Doy Barrica sa pahirapang second game nito sa 21-15, 21-19 upang makuha nito ang serye sa 2-0 at maibulsa ang ikalawang sunod na kampeonato.
Bahagyang naging madali sa kanila ang unang panalo nang iposte nila ang 21-11, 21-11 sa first game laban sa Tamaraws. Nakuha naman ng samahang James Buytrago at James Natividad ang 3rd place finish laban sa Adamson University partners na sina Leo Miranda at Jesus Valdez sa iskor na 22-20, 15-21, 15-9.
Patuloy naman ang pananalasa ng UST women’s beach volleyball team nang bunutin nila ang kanilang ika-apat na sunod na kampeonato sa tandem nina Baby Love Barbon at Gen Eslapor laban sa De La Salle University duo nina Tin Tiamzon at Justine Nazareno, 28-26, 21-18 para sa 2-0 win
Naging mahirap para sa post-Sisi Rondina era España team ang naging unang match-up laban sa Lady Archers matapos ang isang matinding 3-setter victory sa first game sa 21-14, 20-22, 15-12, kung saan matapos ang dalawang taon ay pinutol ng Taft-based spikers ang 19 straight set victory ng UST Lady spikers. ”Matagal na po kasi kaming magkasama kaya alam na po namin kung ano po iyong mga galawan ng isa’t isa,” wika ni Barbon. Nanalo ng 3rd place ang Ateneo De Manila tandem na Ponggay Gaston at Roma Mae Doromal.





Comments