Tigresses vs. Lady Falcons maghaharap sa PVL Finals

Dumaan sa makapigil-hiningang 5-set victory ang UST laban sa 81st UAAP champion Ateneo De Manila upang makipagtuos sa Adamson na dinispatsa ang St. Benilde para sa final showdown sa pagpapatuloy ng PVL Collegiate Conference Linggo ng umaga sa Fil-Oil Flying V Center sa San Juan City.
Pinangunahan ni EJ Laure ang mga huling atake ng Tigresses upang umulit sa Ateneo Lady Eagles, 20-25, 25-20, 25-17, 19-25, 16-14 para tumuloy sa best-of-three championship series na magsisimula sa Miyerkules.
Inariba ng nakatatandang Laure ang dalawa sa tatlong banat ng Lady Tigresses para tumapos ng may 12 puntos, kasama ang 13 excellent digs at 10 receptions para sa kanyang all-around performance.
Ang nakababatang kapatid na si Eya Laure ang nag-top score sa España-based squad nang pumalo ng 21 points habang sina rookies Imme Hernandez at Janna Torres ay kumamada ng tig-14 marka.
Ninais sana ng UST na tapusin na ang laban sa 4th set, ngunit hindi bumigay ang Ateneo sa pamumuno ni Faith Nisperos na may 23 markers upang itulak sa deciding 5th set ang laban. Nagtulong ang magkapatid na Laure sa atake ng Tigresses habang pumapalag ang Ateneo sa tambalan nina Nisperos at Ponggay Gaston. Sa kabilang banda, umayuda ng 20 puntos si Lady Falcons Trisha Genesis upang pauwiin ang Lady Blazers sa 25-18, 14-25, 25-17, 25-15 sa sarili nilang best-of-three semifinal series.





Comments