top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Roxas at Purisima, damay din sa ninja cops, dapat ipatawag sa Senado

  • Bobi Tiglao
  • Oct 7, 2019
  • 3 min read

Sa totoo lang, hindi na bago ang problema ng mga tiwaling pulis kaya kung gusto talagang maintindihan ni Sen. Richard Gordon ang isyu tungkol sa “ninja cops”, simple lang ang dapat niyang gawin, ipatawag niya sa Senado ang da­lawang dating opisyales ng administrasyong Aquino na sina ex-DILG Sec. Mar Roxas at ex-PNP Chief Alan Purisima.

Sina Roxas at Purisima ang responsable sa hanay ng kapulisan noon at sa ilalim umano ng kanilang pamumuno nagsimula ang pag-“re­cycle” o muling ibinebenta ng mga korup na pulis ang mga nakumpiskang ilegal na droga sa mga drug lord.

Bagaman, pumutok ang isyu ng “ninja cops” noong 2013, nasa kalagitnaan ng termino ni ex-P-Noy, walang ginawa sina Roxas at Pu­risima sa prob­lemang ito.

Malinaw na noong dilawan pa ang nasa po­der, meron nang malaking imprastruktura ng mga korup na opisyal na sangkot sa ilegal na droga.

Si ex-DOJ at Sen. Leila de Lima ang isa sa mga naakusahang nakikipagsosyo sa mga drug lord. Noong panahon ni Sen. De Lima, naging head­quarters umano ng mga drug lord ang Bilibid.

Kasalukuyang nakakulong ang senadora sa Camp Crame dahil sa diumano’y pagtanggap nito ng pera mula sa mga drug lord kapalit ng proteksiyon sa kanilang ilegal na gawain.

Kung ang senadora ay may kinalaman daw sa ilegal na droga noon, meron pa kayang ibang opisyales ni ex-P-Noy ang sangkot dito? Ito ang dapat usisain ng Senate Blue Ribbon Com­mittee!

Ang tanong, kaya bang ipatawag ni Sen. Gordon sina Roxas at Purisima para gisahin tungkol sa isyu ng “ninja cops”? Pero sa nga­yon, ang pinagdidiskitahan ay si PNP Chief Os­car Albayalde na malapit nang magretiro.

Matatandaang, pumutok ang isyu ng ninja cops habang nag-iimbestiga ang Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Naungkat sa Senado ang operasyon na nangyari noong 2013 nang magsagawa ang intel­ligence section ng Pampanga Provincial Police ng operasyon laban sa Chinese drug lord na si Johnson Lee.

Si Lee ang sinasabing target ng operasyon ng mga dating tauhan ni Gen. Albayalde sa Lakeshore Subdivision sa Mexico, Pampanga.

Pero sa pagdinig ng Senado, sinabing pina­laya umano si Lee kapalit ng P50 milyon ng grupo ni Maj. Rodney Baloyo IV na noon ay pinuno ng raiding team.

Imbes na si Lee, si Ding Wenkun ang ipin­ri­sinta ng grupo ni Baloyo sa piskalya kung saan sinabi nilang ito ang may-ari ng 38-kilo ng ilegal na droga na nakuha nila sa raid.

Pero sa imbestigasyon ng Criminal Investi­gation and Detection Group (CIDG), napatuna­yan nilang hindi 38 kundi higit 200 kilos ng shabu ang nakuha sa raid at hindi rin si Ding ang target ng operasyon kundi si Lee.

Noong March 28, 2018 naman, pinalaya ng hukuman si Ding dahil sa kakulangan ng mga ebidensiyang magdiriin sa kanya sa illegal drug trade.

Samantala, sinabi ni Pampanga Provincial Office Director Jean Fajardo na ginalugad na nila ang mga address ni Lee sa Pampanga at Metro Manila, pero hindi nila ito matagpuan kaya malaki ang hinala ng opisyal na nakalabas na sa bansa si Lee.

Kinasuhan si Baloyo at ang iba pang pulis ng grave misconduct noong 2014.

Kamakailan, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino sa Senado na tinawagan daw siya ni Gen. Albayalde noong 2016 para i-request na huwag ituloy ang pagsibak sa puwesto kay Baloyo at iba pang tropa nito.

Sinang-ayunan ito ni Baguio City Mayor at ex-CIDG Director Benjamin Magalong na sa halip gawin ang utos na pag-dismiss sa mga tiwaling pulis-Pampanga, ipinagpaliban daw ito ni Gen. Albayalde at nagawan pa raw ng paraan para ma-reassign ang mga tao niya sa Minda­nao.

Gayunman, ayon kay Gen. Albayalde, handa raw siyang muling imbestigahan at sinabi ng Pa­lasyo na magsasagawa ito ng bagong pag-aaral sa kaso.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page