OFWs na balik-‘Pinas para magbigay-serbisyo, mga bagong bayani!
- BULGAR

- Oct 6, 2019
- 1 min read
Marami sa ating mga kababayan ang umaalis ng bansa para magtrabaho.
Tinitiis na malayo para makipagsapalaran at kumita ng mas malaking pera.
‘Yung iba, nagiging residente na rin sa bansang pinuntahan at nagkakaroon pa ng pagkakataong makuha ang pamilya para ru’n na manirahan. Maaaring pakiramdam nila, mas maginhawa ru’n kesa sa sariling bayan.
Nakakatuwa at maipagmamalaki natin sila dahil nakaya nilang makipagsabayan sa ibang lahi, pero sa kabilang banda, nakapanghihinayang. ‘Yung galing na taglay nila, bakit nga ba hindi nagamit sa sariling bayan?
Bagama’t, may mga OFW naman na matapos makapag-ipon, gusto pa ring umuwi at dito magpatuloy.
Tulad ng mahigit 57 OFWs na nagpahayag ng kanilang interes sa pagtulong sa mga proyekto ng gobyerno. Karamihan sa mga OFW ay machine operators, engineers at mga manggagawang may galing sa mining, electrical, piping at drill and blasting. Sila‘yung mga ilang taon nang nanilbihan sa ibang bansa na gusto namang maglingkod sa sariling bayan.
Matatandaang, nagkaroon ng ground breaking ang Metro Manila subway noong Pebrero at inaasahang magsisimula ang drilling sa mga susunod na buwan. At ang mga nabanggit na OFWs ay uuwi para maging bahagi ng nasabing proyekto.
Maaaring hindi matutumbasan ng Pilipinas ang malaking sahod na natatanggap nila sa ibang bansa pero, wala ring katumbas ang serbisyo na kanila o ating maibibigay para sa kaginhawahan ng kapwa natin Pinoy.





Comments