top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Maliit o malaki mang sakripisyo, para sa pagmamahal

  • Fr. Robert Reyes
  • Oct 6, 2019
  • 2 min read

“Never doubt that a small group of thoughtful, committed citizens can change the world. Indeed, it’s the only thing that ever has.”

Ito ang diwa ng mga kaganapan noong Martes, ika-1 ng Oktubre 2019.

Pista rin ito ni Santa Teresita ng Lisieux na nakilala sa kanyang leksiyon na ‘The Little Way’.

Alas-11:00 ng umaga nang magtipun-tipon sa labas ng Korte Suprema ang ilang masigasig na sumusuporta kay VP Leni Robredo upang labanan ang protesta ni ex-Sen. Bongbong Marcos na iginigiit na nandaya raw si VP Leni.

Inanyayahan tayong magmisa upang ipagdasal ang intensiyon ng mga naroroon. Mahigit 100 katao ang tumayo sa bangketa sa tabi ng Philippine General Hospital (PGH) dahil hindi nagpapahintulot na tumayo ang anumang grupo sa mismong harapan ng main gate ng Korte Suprema.

Binigyang-diin ang kakaiba at makapangya­rihang mensahe ni Santa Teresita, ang Munting Rosas ni Hesus. Malinaw sa santa ang kanyang katayuan sa harap ng makapangyarihan at walang hanggang Diyos. Ngunit, hindi ito pumigil sa kanya na ibigay ang kanyang buong buhay upang paglingkuran ang kanyang panginoon na si HesuKristo at kanyang kapwa.

Sinabi niya, “miss no single opportunity of making some small sacrifice, here by a smiling look, there by a kindly word; always doing the smallest right and doing it all for love.”

Anuman ang gawin ni Santa Teresita, malaki man o maliit ay kapwa niya pinag-iigihan at ginagawa ng may pagmamahal. Maraming pinagdaanang pagsubok ang santa at sa halip na panghinaan ng loob, lalo nitong niyakap ang kanyang mga paghihirap upang higit niyang maipakita ang kanyang pagmamahal kay Hesu­Kristo.

Alas-4:00 ng hapon, nagkaroon ng noise barrage sa Welcome Ro­tonda upang ipahayag ang paglaban sa pilit na protesta ni ex-Sen. “Bongbong”. Karamihan sa mga naroon ay may dalang pito at may ilan ding sasakyan ang bumubusina.

Inspirasyon si Santa Teresita ng aktibistang Fil-Am na si Dorothy Day na nagsimula ng Catholic Worker Movement sa Estados Unidos.

Bagama’t, nag-iisa si Dorothy, ipinahahayag at ipinaglalaban nito ang sa tingin niya ay hindi makatao at labag sa kalooban ng Diyos. Ipinaglalaban nito sa pamahalaan ang mga manggagawa at mahihirap na walang trabaho, bahay at anumang katiyakan.

Nagkataon ding naanyayahan tayong dumalo sa misa ng kapistahan ni Santa Teresita sa Parokya ng Santa Teresita sa Dapitan, Q.C. sa gabi ng araw ding ‘yun. Pagkatapos ng mga makabuluhang gawain, kasama ang mga paruk­yano ng parokya ni Santa Teresita ay nagdasal, umawit at nag-alay ng banal na misa bilang paggunita sa kadakilaan ng Munting Rosas at Munting Daan. Siksikan sa Simbahan at damang-dama ang ka­pangyarihan ng maka­pangyarihang Diyos sa kabila ng kaliitan, kahinaan at kawalan ng maraming naroroon. Ngunit, hindi panghihina kundi ang diwa ng tunay na pagbabago at paglaya ng lahat. Kailangan lang ang maingat at mapag­kumbabang pagtitiwala sa mumunting pag-usad ng lahat tungo sa kalayaan at kaligtasang tiyak na ibinibigay ng Diyos sa bawat sandali, pagsisikap at sakripisyo ng lahat.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page