top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Dampios ng Lady Falcons, Bida vs. Warriors sa Women’s Tour

VA
Oct 6, 2019
2 min read

Bumawi ang Adamson mula sa mabagal na panimula upang maigupo ang University of the East, 66-56, sa pagbubukas kahapon ng second round ng UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament sa Mall of Asia Arena.

Namuno si Rose Ann Dampios sa naturang panalo ng Lady Falcons makaraang umiskor ng 24 puntos, 5 rebounds at 3 steals.

“Malaking bagay si Rose Ann kasi isa siya sa ine-aim ko na tutulong sa team,” wika ni coach Ewon Arayi. “Ang ayaw ko lang is how she played defense. Para sa akin, depensa muna bago opensa.”

Buhat sa 10-13 na pagkakaiwan sa first quarter, nagsanib-puwersa sina Dampios at Mar Prado sa second period para pamunuan ang Adamson sa pag-agaw ng kalamangan, 34-27, na pinalobo pa nila sa second half ng makailang beses hanggang 26-puntos.

Nagtapos naman si Prado na may double-double 15 puntos, 11 rebounds, 4 steals, at 2 assists para sa Lady Falcons.

Gayunman para kay Arayi ay kulang na kulang pa sila sa consistency partikular sa depensa.

“Nandito kami to compete. Hindi kami nandito para magpaganda. Sabi ko sana kung gaano kaganda ang sapatos ninyo, ganoon din kaganda ang laro n’yo. Dapat walang minuto tayo na sasayangin,” ayon pa kay Arayi.

“Sa UAAP, walang dapat iniismol. Itong panalo na ito, sana it will serve as a lesson sa bawat isa, na pag marunong ka at di ka naka-score, hindi pwede na di ka dumepensa.”

Sanhi ng panalo, umakyat ang Adamson sa 5-3 na kartada habang nalaglag ang UE na pinamunuan ni Jearzen Ganade na may 15 puntos sa 1-7 na marka.

Sa isa pang laban, nakopo ng University of Santo Tomas ang ika-4 na sunod nilang panalo matapos ungusan ang Ateneo 68-66.

Nangunang muli si MVP frontrunner Grace Irebu para sa Golden Tigresses sa itinala nyang 24 puntos at 25 rebounds, bukod pa sa tig-isang assist, steal, at block.

Sanhi ng panalo, umangat ang UST sa markang 6-2.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page