6th CROWN, inangkin ng NU sa UAAP Badminton
- Gerard Arce
- Oct 6, 2019
- 1 min read

Ibinulsa ng National University ang ika-anim na sunod na kampeonato nito sa 82nd season ng UAAP men’s badminton event nang magtulong sina graduating senior Keeyan Gabuelo at rookie Solomon Padiz para ilaglag ang Ateneo, 3-1, Sabado sa PNP Sports Center Badminton Courts.
Tinapos ng Bulldogs pair ang tambalang Keoni Asuncion at Arthur Salvado sa third game ng doubles match sa 21-14, ngunit hindi naging madali para sa tambalan nina Gabuelo at Padiz ang tapusin agad ang Ateneo duo dahil nagawa pa nitong manalo sa second game, 21-23.
Binuksan nina Gabuelo at Padiz ang ikalawang doubles match sa pamamagitan ng 21-17 panalo, bago sinunggaban nina Asuncion at Salvado ang pangalawang panalo.
Hinirang na MVP si Gabuelo habang ibinigay kay Padiz ang Rookie of the Year award para sa kanilang 6th peat title.
Ang panalong ito ng Bulldogs ay nagbigay sa kanila ng ika-51st sunod na panalo simula noong season 77, habang nakatabla na sa Ateneo sa pinakamaraming titulo sa men’s badminton sa anim na championships.
Nakuha rin ng Bulldogs ang mga panalo sa ikalawang singles match nang talunin ni Padiz si Asuncion, 21-9, 21-14 habang nagsanib-puwersa sina freshman James Villarante at Julius Villabrille para biguin sina Geno Carino at team captain Fides Bagasbas, 21-18, 23-21 sa doubles match.
Napanalunan ng Ateneo ang unang singles mula kay Bagasbas nang maungusan si Gabuelo, 21-19, 11-21, 21-18.





Comments