169 nadale sa meningococcemia, 88 dedo
- Madel Moratillo
- Oct 6, 2019
- 2 min read

Aabot na sa 169 katao ang tinamaan ng meningococcemia ngayong taong, 88 rito ang nasawi.
Gayunman, pinaninindigan umano ng Department of Health (DOH) na walang outbreak ng sakit.
Sa datos ng DOH-Epidemiology Bureau (EB), nabatid na mula noong Enero hanggang Setyembre 21, 2019 ay nakapagtala sila ng 169 kaso ng meningo na may 88 deaths o case fatality rate na 52%.
Mas mataas ito sa 162 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon kung saan may 78 deaths.
Sa Batangas, inamin naman ni DOH-Calabarzon Regional Director Eduardo Janairo, na lima katao na ang binawian ng buhay dahil sa meningococcemia.
Sa kabila nito, nanindigan ang DOH na walang meningo outbreak sa Batangas at maging sa bansa.
Ayon kay DOH Assistant Secretary of the Public Health Services Team Maria Rosario Vergeire, kung susuriin sa nakalipas na limang taon, halos pare-pareho lamang ang dami ng mga pasyenteng tinatamaan ng sakit.
Magkakahiwalay din aniya ang mga lugar na pinagmulan ng mga pasyente kaya hindi ito maituturing na outbreak.
Ayon sa DOH, ang meningococcal disease ay rare o madalang lamang ngunit, ito ay napala-seryosong sakit, na sanhi ng bacteria na neisseria meningitidis.
Sa 15% umano ng mga kaso nito ay maaaring mamatay ang pasyente sa loob lamang ng ilang oras.
Dahil sa severity at rapid progression ng sakit, mahalaga ang early diagnosis ng sakit at agarang paglunas dito ng antibiotics.
Samantala, dalawang pasyente ng San Lazaro Hospital sa Maynila ang nagpositibo sa meningococcemia.
Ayon kay Dr. Ferdinand de Guzman, chairman ng Department of Family Medicine sa San Lazaro Hospital, isa rito ang pitong taong gulang na bata na ang paa ay nangitim na dahil sa labis na rashes.
Ang mga pasyenteng ito ay inilagay na aniya sa isolation room.
Ang mga sintomas na nakita umano sa dalawa ay kahalintulad ng sa pasyenteng may meningococcemia.
Una nang may nasawi na dalawang buwang gulang na bata sa San Lazaro dahil sa hinihinalang meningococcemia.




Comments